Gracia Burnham pinuri ang batas laban sa terorismo
Pinapurihan ng dating Abu Sayyaf kidnap victim na si Gracia Burnham ang pamahalaan ng Pilipinas sa pagkakapasa ng bagong anti-terror law o ang Human Security Act of 2007. Sa isang pahayag na ipinahatid sa pamamagitan ng US Embassy, sinabi ni Burnham na nalungkot siya dahil hindi siya makadadalo sa pormal na paglulunsad ng bagong batas kontra terorismo. "I wish to thank the Philippine government for their commitment to eradicating terrorism in your area of the world," ayon kay Burnham, balo ng dinukot na American missionary na si Martin. Kinidnap ng Abu Sayyaf ang mag-asawang Burnham habang nagbabakasyon sila noon sa Dos Palmas Resort sa Palawan noong ika-27 ng Mayo 2001, habang ipinagdiriwang ang ika-18 wedding anniversary nila. Namatay si Martin matapos magtamo ng tatlong tama ng baril sa dibdib, sa isang engkwentro noong ika-7 ng Hunyo 2002 habang inililigtas sila ng militar sa tinatawag na "Basilan siege." Nasawi rin sa rescue operations ang Filipina nurse na si Ediborah Yap, kasama ng mga Burnham na bihag ng mga bandido. Ayon kay Burnham, marami na siyang nabasang artikulo sa magazine, newspapers at maging sa Internet tungkol sa "glowing testimonies" sa paglaban ng bansa kontra sa mga insurhento sa Mindanao. "It does my heart good to hear that," dagdag ni Burnham na naglabas ng librong, "In the Presence of my Enemies" noong 2004 kung saan inilahad niya ang kanyang karanasan sa kamay ng bandidong grupo. Ayon pa sa kanya, "I would love to have been able to remind you of what Martin and I learned when we were held for so long by the Abu Sayyaf, that ... 'the Lord is near to the broken hearted.. I regret that I was prohibited from being there but my thoughts are with you today." Ang kanyang pahayag ay binasa ni Defense Undersecretary Ricardo Blancaflor kasabay ng memorial services para sa mga biktima ng Super Ferry 14 bombing noong 2005. "What an honor it would have been to meet your family members who have faced the trauma of having a loved one who has been victimized," aniya. Ipinatupad na ang Human Security Act simula nitong Linggo sa kabila ng maraming pagbatikos ng mga militanteng grupo. Ang bagong batas ay inaasahang magbibigay sa pamahalaan ng "legal muscle" kontra terorismo. Nangamba naman ang mga militante dahil ang batas diumano ay pupuntiryahin ang mga miyembro ng mga makakaliwang grupo sa pamamagitan ng pagkitil sa mga karapatang pantao. Nauna nang nagpahayag ang Pangulo na maiiwasan sana ang maraming pag-atake ng mga terorista kung mayroon nang matibay na batas kontra dito. âOne can imagine the possibilities had we passed this (law). Perhaps Dos Palmas would have not happened, and Gracia Burnham would have not lost her husband," ayon kay Mrs Arroyo sa ginawang pagtitipon sa Malacañang para sa pagpapalawig ng impormasyon tungkol sa bagong batas. âToday we raise the bar in our campaign against terrorists who kill, bomb and maim to enforce an ideology of evil. Now, we have the legal muscle to help end the paralysis of fear embodied in a law that identifies terrorism and penalizes it, a law that preserves and protects freedom," dagdag pa ng Pangulo. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV