Mahirap na batang estudyante, nagsauli ng napulot na pera
Kahit kinakapos sa pambaon tuwing papasok sa eskuwelhan, hindi pinag-interesan ng isang 12-anyos na estudyanteng lalaki ang napulot niyang wallet na may lamang pera.
Sa ulat ni Kara David sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabing anak ng tricycle driver ang batang si Steven Ortega.
Para matipid ang P50 na baon niya sa eskwelahan na kulang pa na pambili niya ng pagkain sa pananghalian at recess, pinipili ni Ortega na maglakad papasok at pag-uwi sa kaniyang paaralan.
Pero habang naglalaro, isang wallet na may lamang P3,000 ang kaniyang napulot. Walang identification card ang wallet na kaagad niyang ibinigay sa himpilan ng pulisya.
Nang tanungin kung bakit niya ibinigay sa pulisya ang wallet, simpleng tugon ni Ortega, hindi sa kaniya ang pera.
Labis naman ang paghanga ni SPO 1 George Santiago sa katapatan na ipinamalas ni Ortega.
Sa pamamagitan ng isang resibo sa wallet na may nakalagay na pangalan, natunton ang may-ari ng wallet na isang college student.
Laking pasasalamat nito dahil ang P3,000 sa wallet ay allowance niya sa pag-aaral sa kolehiyo para sa loob ng isang buwan.
Hindi rin siya makapaniwala dahil ito raw ang unang pagkakataon na naibalik sa kaniya ang isang bagay na nawala sa kaniya.
Hindi man nakakuha ng malaking pabuya si Ortega, nakakuha naman siya ng malaking paghanga sa mga tao dahil sa ipinamalas niyang katapatan. -- FRJ, GMA News