One to sawa: VP Binay, desididong alisin ang term limits ng mga public official
Sa harap ng ilang barangay officials at senior citizens sa itinuturing balwarte ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa Negros Occidental, muling inihayag ni Vice President Jejomar Binay ang hangarin niyang alisin ang probisyon sa Saligang Batas na naglilimita sa termino ng mga halal na opisyal ng bansa.
"Itong term (limits) na ito hindi ako naniniwala diyan, kailangan one to sawa 'yan, hanggang gusto ng tao," pahayag ni Binay sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes.
"Kaya kung mayroong amendment sa konstitusyon, ipapaalis ko ang term limitation hanggang gusto, iboto nang iboto," dagdag niya.
Sa isang media forum noong nakaraang buwan, sinabi ni Binay na maigsi ang anim na taong termino para sa isang mahusay na presidente.
Mungkahi ni Binay, dapat apat na taon ang termino ng presidente at bise presidente, at maaaring tumakbo sa isa pang termino.
Nais din ni Binay na alisin ang term limits sa mga lokal na opisyal na limitado sa tatlong taon at maaaring kumandido ng tatlong ulit.
Nandidribol ang LP
Samantala, hindi naniniwala si Binay na wala pang napipili ang Liberal Party na pambato ng administrasyon sa 2016 presidential elections.
Si Roxas ang isa sa mga lumulutang na pambato ng LP, habang si Binay ang magiging standard bearer ng oposisyong United Nationalist Alliance (UNA).
"May resulta na 'yan, dinidribol na lang ang public opinion," anang pangalawang pangulo.
Nitong Miyerkules ng gabi, kinausap ni Pangulong Benigno Aquino III sina Roxas, at si Sen. Grace Poe, na lumulutang ang pangalan na posibleng tumakbong pangulo sa 2016.
Pero kahit sino pa raw ang maging pambato ng LP, sinabi ni Binay na handa ang oposisyon.
Tiwala rin ang pangalawang pangulo na kaya nilang manalo kung magiging malinis at marangal na eleksyon.
Inulit din ni Binay na pulitika ang dahilan kung bakit marami raw ibinabatong akusasyon laban sa kanya.
Kinuwestiyon din niya ang ginagawang pagsisiyasat sa kaniya ng Office of the Ombudsman, gayung isa siyang impeachable official. -- FRJ, GMA News