Ilang mag-aaral sa Quezon City, naospital matapos kumain ng macapuno candy
Siyam na mag-aaral ng Juan Sumulong High School sa Quezon City ang sumama ang pakiramdam at isinugod sa Quirino Memorial Medical Center nitong Huwebes matapos umanong kumain ng nabili nilang macapuno candy sa loob ng paaralan.
Nakaramdam umano ng pananakit ng tiyan at pagkahilo ang mga estudyante. Anim sa kanila ang dinala sa pediatric intensive care unit (ICU) ng pagamutan.
Dakong 8:00 a.m. nang magsimulang dumating ang mga pasyente na nasa edad 12 hanggang 16, ayon kay Dr. Jojo Mercado.
Kinailangan umanong ilagay sa ICU ang mga pasyente na bumagal ang tibok ng puso at nakakaramdam ng tila matinding pagod.
"May iba bumabagal ang tibok ng puso.... As of now we cannot totally rule out pa the possible cause of the poisoning from the macapuno candy.... Lahat sila yung all nine cases that we saw is all of them had an intake of the macapuno candy," paliwanag ni Mercado.
"We really have to make it sure that we ate going to take or going to eat was properly prepared. Dapat ay may label, with expiration dates.... And proper packing, repacking or packing of the product," paalala ng duktor.
Sumailalim sa blood at urine tests ang mga pasyente sa ICU at nilagyan din ng cardiac monitor.
Isang lalaki umano ang pumasok sa eskwelahan nitong Huwebes ng umaga at nagtinda ng nabanggit na candy sa Grade 7 students.
Nainggayo umano ang mga mag-aaral na bumili dahil sa kuwento ng lalaki na kailangan nito ng pera para sa kaniyang pag-aaral.
"Bumili na lang po kami kasi po naaawa po kami sa lalaki," ayon sa isang estudyante.
Pagkaraan ng 30 minuto matapos kainin ang candy, sumama na umano ang nakaramdam ng mga biktima.
"Nanginginig po ang katawan ko. Tapos ang sakit po ng ulo at tiyan ko po," kuwento ng isang biktima.
Kumuha na ng sampol ng candy ang QMMC para masuri ng Food and Drug Administration (FDA).
"Mayroon pong sintomas talaga ng sa tingin namin nagko-consider kami ng food poisoning," ayon kay QMMC Department of Pediatrics chief Dr. Aileen Membrere.
Nanawagan naman ang mga magulang ng mga biktima na higpitan ang pagbabantay sa paaralan upang hindi makapasok ang mga hindi estudyante at empleyado.
Nakalagay sa pakete ng macapuno candy na gawa ito ng Kaykenmark Sweets, na nakabase sa Calauan, Laguna.
Sa isang ulat ng GMA News TV's SONA, nakausap ng GMA News sa telepono ang sinasabing may gawa ng macapuno candy.
Ayon sa may-ari ng Kaykenmark Sweets, may mga tumawag nga raw sa kanila para ipaalam ang pangyayari
Pero hindi raw sila agad naniniwala na kanila galing ang produkto dahil noon pa man daw ay may naninira na sa kanila.
Nitong nakalipas na mga araw, sunod-sunod ang insidente ng food poisoning sa ilang lalawigan.
Kabilang na rito ang pagkalason ng may 2,000 mag-aaral sa Surigao del Sur dahil sa kinain nilang durian at mangosteen candies. -- FRJ, GMA News