ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

47 lumang bomba, nakita sa isang bukid sa Pangasinan


Hindi lang pananim kung hindi maging mga lumang bomba ang nakitang nakabaon sa isang bukid sa bayan ng Sison, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing nasa 47 vintage bombs ang nadiskubre ng mga construction worker sa isang bukid sa barangay Pinmilapil sa bayan ng Sison.

Ayon sa mga construction worker, naghuhukay sila sa lugar para sa isang ipinapatayong bahay nang madiskubre nila ang mga bomba.

Kaagad silang tumawag ng eksperto para makuha ang mga vintage bombs na maaari pa raw sumabog.

Kaya naman dinala ang mga bomba sa himpilan ng pulisya para ihanda ang proseso ng pagdispatsa sa mga ito.



Sakahan, napinsala ng ulan

Samantala, matinding pinsala ang idinulot ng mga pag-ulan sa mga sakahan sa Pangasinan.

Ayon sa provincial agriculturist ng Pangasinan, sa Urdaneta city, Calasiao at Sta. Barbara pa lang, aabot sa sa halos 100 ektaryang sakahan ang apektado ng pag-ulan.

Nangako naman umano ng tulong ang Department of Agriculture  para mapalitan ang mga nasirang punla ng mga magsasaka sa taniman.

Hanggang ngayon, lubog pa rin umano sa baha ang maraming palayan sa mga nabanggit na mga lugar. -- FRJ, GMA News

Tags: vintagebombs