ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga labi ng pumanaw na akusado sa Maguindanao massacre, dinala na sa Mindanao


Inilipad na patungong Cotabato city ang labi ni dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr., isa sa mga pangunahing akusado sa Maguindanao massacre kung saan 58 katao ang nasawi, kabilang ang 34 na mamamahayag.

Bilang pagsunod sa tradisyon ng mga Muslim na dapat mailibing ang kanilang nasawi sa loob ng 24 oras, nakatakdang ihatid sa kaniyang huling hantungan si Ampatuan ngayong Sabado sa Shariff Aguak, Maguindanao.

Pumanaw ang dating gobernador nitong Biyernes ng gabi matapos ma-comatose ng ilang araw sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI). Namatay  si Ampatuan dahil sa mga komplikasyon dulot ng kaniyang sakit na cancer sa edad na 74.



Hiniling ng kaniyang mga kaanak na bigyan sila ng privacy sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.

Akusado si Ampatuan at iba pa niyang kaanak sa pagpatay sa may 58 katao noong Nobyembre 2009 sa tinaguriang Maguindanao massacre.

Bagaman ilan sa mga kaanak ng mga biktima ang nagsabing napatawad na nila si Ampatuan, nanindigan pa rin sila sa patuloy na paghahanap ng hustisya sa nasawi nilang mahal sa buhay.

Tuloy ang kaso

Kasunod ng pagkamatay ni Ampatuan, muli namang iginiit ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na pursigido ang pamahalaan na isulong ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng masaker.

Ani Valte, may direktiba sa mga government prosecutor na huwag pahintulutan ang mga nagpapatagal sa pag-usad ng paglilitis.

Binigyan-diin ng opisyal na wala sa Palasyo, kung hindi nasa korte, ang pasya kung matatapos ang pagdinig sa kaso bago matapos ang termino ni President Benigno Aquino III sa June 2016.
 
"The case will proceed against the other accused who remain alive," aniya sa panayam ng dzRB radio.

Samantala, iniaasahan ni Atty. Ferdinand Topacio, kumakatawan kay Ampatuan sa hiwalay na kasong election sabotage, na mababasura ang kaso sa kaniyang kliyente kasunod ng pagpanaw nito.

"Under the principles of penal laws, death extinguishes any criminal liability," paliwanag niya. -- FRJ, GMA News