Miyembro ng sexy group na Mocha Girls, hinipuan daw ng lalaking nagpa-picture sa kanila
Inireklamo ng isang miyembro ng sexy group na Mocha Girls ng pambabastos ang isang lalaking nanood sa kanilang performance sa Quezon City.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, ikinuwento umano ng biktima na matapos ang kanilang song and dance number sa isang restaurant ay nag- request ang isang grupo ng mga lalaki na magpa-picture sa kanila.
Pumayag naman ang Mocha Girls pero habang nagpi- picture taking, biglang may nanghipo raw sa isa sa mga miyembro ng sexy group mula sa mga lalaki.
Dahil dito, sinampal ng biktima ang lalaking nanghipo umano sa kaniya.
Gaganti pa raw sana ng suntok ang lalaki sa biktima pero napigilan ito ng bodyguard ng Mocha Girls.
Sa presinto, umamin umano ang lalaki sa ginawang pambabastos sa biktima at humingi ng paumanhin sa kaniyang ginawa.
Tinanggap naman daw ng miyembro ng Mocha Girls ang sorry ng lalaki. -- FRJ, GMA News