Bangkay ng babae na walang saplot pang-itaas, isinilid sa bagong maleta
Isang bangkay ng babae na walang saplot pang-itaas ang nakitang nakasilid sa isang maleta na iniwan sa Zigzag road sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Sabado, sinabing natagpuan ng barangay volunteer na si Rommel Sison ang maleta sa Zigzag road sa barangay San Jose sa Rodriguez, Rizal nitong Biyernes ng gabi.
Isang lalaki umano mula sa isang humintong sasakyan sa lugar ang nagbaba ng maleta at mabilis na umalis.
Dito na nilapitan ni Sison ang maleta. Pero nang makita niyang nakakandado ito, kaagad na umano siyang humingi ng tulong sa pulisya.
Nang buksan ng mga pulis ang maleta, nakita ang bangkay ng babae na nakabalot ng plastic ang ulo at walang suot na damit.
Inaalam pa ngayon ng mga pulis ang pagkakakilanlan sa biktima.
Pag-aaralan din ng mga imbestigador ang maleta na mayroon pang price tag ng isang kilalang mall. Aalamin nila kung saang branch ng mall nabili ang maleta sa pag-asang makatulong ito para malutas ang krimen.
Naghahanap din ang mga imbestigador ng closed-circuit-television camera sa lugar na posibleng nakakuha sa pag-iwan sa maleta.
Dinala na ang bangkay ng babae sa Antipolo Funeral Homes sa Rizal. -- FRJ, GMA News