Pinay domestic helper sa Saudi Arabia, ginahasa at sinaktan pa umano ng amo
JEDDAH – Ginahasa at sinaktan pa umano ng kanyang amo ang isang Filipina domestic helper sa Saudi Arabia noong nakaraang Sabado.
Sa panayam ng GMA News, idinetalye nito ang umano'y kalbaryong kanyang dinaan. Namamaga, nangingitim ang paligid, at namumula pa ang mga mata ng biktima sa panahon ng panayam.
Ayon sa biktima, pinilit umano siyang ipinasok ng amo sa kuwarto upang doon siya halayin. Hindi raw niya malilimutan ang labis na kahayupang ginawa sa kanya.
Matapos ang panghahalay, pinagsasampal at sinakal umano siya upang pigilan ang kanyang tuloy-tuloy na pag-iyak dahil natakot ang kanyang amo na magising ang anak.
"Habang umiiyak po ako ay sinasampal niya ako dahil gusto nya akong patigilin sa pag iyak dahil baka daw marinig ng anak nya na natutulog. Dahil kung nagising ay magsusumbong sa nanay at malalaman ng asawa niya ang ginawa nya sa akin. Pagsampal po nya sa akin ay nakarating ako sa kusina. Sinapak po niya ako dahil hindi nya po ako mapatigil sa kaiiyak," ayon sa biktima.
Dahil sa walang tigil umano ang pagtulo ng dugo mula sa kanyang ilong at pagsara ng kanyang kanang mata, pinakiusapan daw niya ang kanyang amo na dalhin siya sa ospital.
Sa una, hindi raw pumayag ang amo na dalhin siya sa ospital, kaya pinangakuan niya ito na hindi siya magsusumbong, dalhin lamang siya sa pagamutan.
Nakapunta rin ang biktima sa unang ospital pero hindi siya tinulungan. Kinabukasan, pinayagan uli siyang bumalik ng ospital dahil sa pangako niyang hindi magsusumbong.
Sa ikalawang ospital, ayon sa biktima, nagpatawag ng pulis ang duktor na tumingin sa kanya.
Sa tulong ng mga concerned kabayan at ng Kaagapay ng Bawat OFW Advocacy group, ay agad umanong naipaalam ang insidente at nakahingi ng ayuda sa Philippine Consulate.
Nasa kustodiya na ng Kosulado ang biktima samantalang naka-detine na ang suspek. — LBG, GMA News