WATCH: Taktika sa pag-repack para maibenta ang expired na keso at mayonnaise
Mag-ingat sa binibiling produkto na ni-repack dahil baka ang maipakain sa inyong anak ay expired na produkto gaya ng mayonnaise na hinaluan lang ng gatas at asukal, o keso na inalisan lang ng amag.
Sa special report ni GMA News reporter Lala Roque, pinuntahan nito ang Divisoria at Blumentritt sa Maynila, kasama ang asset, kung saan marami umano ang nagbebenta ng palaman sa tinapay at ibang produkto.
Pero karamihan sa mga ito, naka-repack at walang nakalagay na expiration date. At ang dahilan daw nito, expired na raw talaga ang mga produkto.
Paliwanag ng asset, karaniwang idinadahilan daw ng mga nagbebenta na mura ang kanilang produkto dahil mura rin nila itong nabili dahil mayroong "factory defect."
Maging ang mga de-lata, naibebenta ng mura kahit kinakalawang na dahil idinadahilang naulanan lang at nabasa.
Isang nagtitinda ng mga nirepack na produkto ang ipinakita ang kaniyang sistema upang maibenta ang mga expired na pagkain.
Ang expired na mayonnaise, hinahaluan lang ng konting gatas at asukal para mawala raw ang asim.
Ang expired na keso naman, tatanggalan ng amag at papakuluan ng ilang minuto para maging cheese spread.
Ang nakakabahala pa nito, dahil mura ang bentahan, mayroon daw mga canteen sa ilang paaralan ang bumibili ng kanilang produkto.
May mga tumatangkilik din na nagsasabing wala naman masamang nangyayari sa kanilang katawan kahit bilhin ang nirepack na produkto.
Paalala naman ni Dra. Maria Victoria Pinion ng Center for Food Regulation and Research ng FDA, hindi legal at hindi rehistrado sa ahensiya ang mga produkto kung wala itong expiry date o anumang impormasyon na nakasaad sa lalagyan nito.
Dagdag pa niya, kung ano ang nakasaad sa expiry date, iyon daw dapat ang huling araw na maaaring kainin ang produkto. -- FRJ, GMA News