ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

20 estudyante sa Bohol naospital pagkakain ng tuba-tuba


Dalawampung mag-aaral sa Bohol ang naospital matapos makaramdam ng pananakit ng tiyan dahil sa pagkain ng halamang tuba-tuba o jathropa nitong Miyerkules ng tanghali. Ayon sa ulat ng Live on Q sa QTV nitong Huwebes, ang mga biktima ay nasa Grade 1 at Grade 2 sa Batasan Elementary School sa isla ng Batasan, bayan ng Tubigon. Isang kinilalang Jerick Edel ang iniulat ng dzMM radio na nanghikayat sa kanyang kapwa mag-aaral na kumain ng bunga ng tuba-tuba na nasa loob ng kanilang paaralan. Nakaranas ng pananakit ng tiyan ang mga bata at agad na isinugod sa Tubigon Community Hospital upang mapatawan ng karampatang lunas. Nakalalason ang bunga ng Jatropha kapag kinain ng tao o hayop. Sa ibang bansa, gaya ng India at Venezuela, ginagamit ang ilang parte ng halaman upang lunasan ang ulcer. Ang langis na nakukuha sa buto ng Jatropha ay ginagamit namang biofuel at sangkap sa sabon. Mainam ding panaboy ng insekto ang pinausok na dahon nito. Aabot sa 30 minutong biyahe sa bangka mula bayan ng Tubigon patungong isla ng Batasan. Ang Tubigon ay second class municipality na may pantalan sa Bohol at may populasyon na 40,385 sa 7,714 kabahayan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV