ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Magdalo: Walang nagbago sa 4 na taon pagkalipas ng Oakwood mutiny


Dalawang lider ng “Magdalo," ang grupo ng junior officers sa militar na sumakop sa Oakwood Hotel sa Makati noong 2003, ang nagpahayag na walang pagbabagong naganap sa pamahalaan matapos ang nabigong kudeta. “Definitely, nothing has changed. It even grew worse. We still have corrupt officials in government," pahayag nitong Huwebes ni Senator Antonio Trillanes IV, dating Navy lieutenant senior grade. Kasalukuyang nakakulong si Trillanes sa Marine headquarters sa Fort Bonifacio dahil sa kasong kudeta na hiinaharap nito bunga ng partisipasyon sa Oakwood mutiny. Ang sintemyento ni Trillanes ay hindi rin naiiba sa pahayag ni Marine Capt. Nicanor Faeldon, miyembro rin ng Magdalo. “It is to my sorrow that no significant changes have taken place despite our warnings, our concerns and our acts in Oakwood," nakasaad sa website ni Faeldon. Idinagdag ni Faeldon na puro katiwalian pa rin ang sistema ng pamahalaan at lalo pang napulitika ang hanay ng militar. “The system is as corrupt as ever, the military is now more politicized than ever before and the highest executive in the land holds office in spite of the absence of a clear mandate. Even sadder, our soldiers are still needlessly dying out there," aniya. Sina Trillanes, Faeldon at 17 iba pang itinuturing na core leaders ng Magdalo ay nahaharap sa kasong kudeta sa Makati City regional trial court. Nililitis din sila sa korte ng militar o court martial proceeding sa kasong “conduct unbecoming of an officer and a gentleman." Sinabi ni Trillanes na marami sa mga nakibahagi sa Oakwood mutiny ay nanatiling kritikal sa gobyerno. “It's not being defiant for the sake of being defiant. It's about doing the right thing. We are just fulfilling our mandate as soldiers," aniya. Idinagdag pa niya na ang hindi pagputok ng mga bala ng 81 mm mortar sa sagupaan sa Basilan noong July 10 ay patunay sa ipinaglalaban ng Magdalo tungkol sa katiwalian sa AFP na kanilang isiniwalat sa Oakwood. Binalewala rin ni Trillanes ang desisyon ng Court Martial na hatulan sa kasong graft si dating AFP controller Maj. Gen. Carlos Garcia, na umano'y ginamit lamang bilang “scapegoat" ng “high command." Binigyan-diin ni Trillanes na wala siyang pinagsisisihan sa pakikibahagi sa Oakwood take-over dahil ang kanilang pagkakakulong ay nagpalapit sa kanila sa Diyos. Idinagdag pa niya na hindi rin dapat isipin ng media na pakikipagkasundo sa gobyerno ang pagpasok sa plea bargaining agreement ng iba niyang kasamahan sa Magdalo. Aniya, ang plea bargain ay isang legal na hakbang ay hinihikayat niya ang lahat ng kasama na gamitin ito para makakuha ng mas mababang parusa. - Fidel Jimenez, GMANews.TV