Ang 3 Boy Scouts na nakadalo sa 11th World Jamboree sa Greece noong 1963
Dahil sa pagbagsak ng eroplano na kanilang sinasakyan papuntang Greece, nasawi ang 20 Scouts at apat na Scouters na delegado ng Pilipinas sa 11th World Jamboree noong July 28, 1963. Pero alam ba ninyo na mayroon pa ring tatlong Pinoy Boy Scouts ang naging kinatawan ng bansa sa naturang pagtitipon?
Hindi nakarating sa 11th Jamboree na idinaos sa Marathon, Greece ang 24 na delegado ng Pilipinas nang bumagsak sa karagatan ng India ang eroplano na kanilang sinasakyan dahil sa masamang panahon.
Dahil sa trahediya, nagluksa ang bansa.
Gayunman, nagpadala pa rin ang pamunuan ng Boy Scouts of the Pilipinas ng maliit na delegado sa naturang pagtitipon sa Greece na kinabibilangan nina Nicasio Fernandez Jr., Louis Santiago, at Guillermo Flores.
Bilang pag-alaala sa 24 na nasawing delegado ng BSP, ipinangalan sa kanila ang ilang kalye sa Timog at Morato area sa Quezon City. (Basahin: Mga kalyeng nagsisimula sa ‘Scouts’)
Noong 1988, idineklara ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino ang July 28 ng bawat bilang Scout Memorial Day. -- FRJ, GMA News