ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Panawagan ng Palasyo sa mga taga-NCR: Makiisa sa ‘shake drill’ sa Huwebes


Hinimok ng Malacañang ang lahat ng mga himpilian sa Kamaynilaan ng mga ahensya ng gobyerno, gayundin ang sa mga pribadong sektor, na makiisa sa isasagawang earthquake drill sa National Capital Region sa Huwebes.
 
Sa Memorandum Circular 79, hinikayat ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. ang mga hepe ng mga ahensya na himukin ang kanilang mga empleyado na sumali sa "synchronized Metro Manila-wide earthquake drill."
 
Kabilang sa panawagan ng sirkular ang mga departamento ng gobyerno, bureaus, mga himpilan, government-owned and -controlled corporations, at LGUs.

Nanawagan din ang Malacañang sa pakikiisa ng pribadong sektor.

Inatasan ang Metropolitan Manila Development Authority na pangunahan ang pagplano at pagpatutupad ng earthquake drill.

Handa na umano ang lahat para sa drill sa Huwebes, ayon kay MMDA chairman Francis Tolentino nitong Miyerkules.

"Halos all set na po tayo. Nakapag-usap na po tayo sa embassies, businesses, school presidents, barangays. More or less, all set na po tayo," ayon kay Toletino sa panayam ng "News To Go."
 
Inaasahan umano ni Tolentino na ang drill ay kapulutan ng mga aral upang kinisin pa ang pagplano ng MMDA bilang paghahanda sa "Big One," dahil ngayon lang mangyayari ang NCR-wide na drill sa paghahanda, kung sakali mang mangyari ang malakas ng lindol dulot ng paggalaw ng West Valley Fault System.

'Epic' event

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Tolentino na libu-libong mga organisasyon mula sa iba't ibang mga sektor—kabilang na ang mga paaralan, ospital, religious groups, business process outsourcing firms, malls at sektor ng transportasyon—ay nagpahiwatig na ng kanilang kahandaang sumali sa pagsasanay.

“We are overwhelmed by the fact that different sectors of the society have united to drum up support for the project, and as such, I am confident that the event is going to be epic,” ani Tolentino.

Samantala, nanawagan din sa publiko si Presidential spokesman Edwin Lacierda na makipagtulungan sa isasagawang quake drill.

“I think it will be good and beneficial for all of us to be trained as to how to respond to a situation like an earthquake … If in case the ‘Big One’ really happens, we’ll be able to learn to adjust, or to learn how to react to a situation like what we’re going to practice tomorrow,” ayon kay Lacierda.

Bilang pagsuporta sa naturang programa ng MMDA, makikibahagi sa Metro Manila wide shake drill ang sangay ng Starmall sa Las Piñas, EDSA-Shaw, Alabang at PRIMA-Taguig.

Kabilang sa makikibahagi sa pagsasanay ang mga tenant, kawani at mga mamimili ng naturang mall. Kaagad umanong magbabalik ang operasyon ng mall pagkatapos ng drill.

Drill-start signal

Nitong Miyerkules, sinabi ng MMDA na handa na ang isang "30-second recorded message" na maghuhudyat sa simula ng drill dakong 10:30 a.m. sa Huwebes.
 
Kabilang sa signal message ang announcement na ang drill ay para sa malakas na paggalaw ng West Valley Fault, na tumatagos sa buong Metro Manila, hanggang sa mga probinsya ng Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna.
 
Patunugin ang kampana ng mga Simbahan, mga sirena at fire alarm sa fire stations at sa LGU offices.
 
Pupunta sa mga kalsada ang lahat ng traffic enforcers, at may dala-dalang "earthquake drill" signs upang malaman ng mga motorista na may quake drill. Pahihintuin ang mga sasakyan ng 45 segundo.

Samantala patuloy naman umano ang normal na operasyon ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit.

Quadrants
 
Hinati-hati sa quadrants (areas) ang buong Metro Manila para sa drill, at bawat quadrant ay nakatuon sa partikular na mga emergency situation. Bawat quadrant ay magkakaroon ng sarili nitong central command at evacuation center.
 
Ang mga sumusunod ay ang mga evacuation at command center:

- Western Quadrant (Manila, Navotas, Malabon): Intramuros Golf Course
- Northern Quadrant (Quezon City, Caloocan, Valenzuela, San Juan, Mandaluyong): Veterans Memorial Medical Center Golf Course
- Eastern Quadrant (Marikina, Pasig): LRT2 Santolan Depot
- Southern Quadrant (Pasay, Makati, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Pateros, Taguig): Villamor Air Base Golf Course

Gayundin, hinihikayat ang publiko na makiisa sa pagsasagawa ng "DROP, COVER, HOLD " procedure.
 
Maliban sa drill sa umaga, mayroon ding hiwalay na nighttime drill sa Ortigas Business District sa Pasig City mula to 9:30.

Papatayin ang lahat ng ilaw habang isinasagawa ang nighttime drill. —LBG, GMA News