Promoter ni Chris Brown, humarap sa DOJ; pero dayuhang RnB singer, no show
Humarap sa preliminary investigation ng Department of Justice nitong Biyernes si Michael Pio Roda, ang concert promoter ng international RnB singer na si Chris Brown.
Ang pagdinig ng DOJ ay kaugnay ng US$1-milyong swindling complaint na inihain ng kumpanyang Maligaya Dev't Corp., dahil sa hindi pagsipot ni Brown sa New Year concert nito sa Philippine Arena sa Bulacan nitong Enero 2015.
Hindi naman dumalo sa pagdinig ang dayuhang mang-aawit, at wala ring abogado na dumalo para kumatawan sa dayuhang mang-aawit.
Batay sa reklamo ng Maligaya Dev't Corp., nabayaran na nila si Brown at si Pio Roda pero hindi nito ibinalik ang pera nang hindi natuloy ang January concert.
Naunang idinahilan ni Brown na nawala ang kaniyang passport kaya hindi siya nakapunta sa Pilipinas para sa naturang new year concert.
Sinabi ng MDC na umabot sa US$700,000 ang paunang ibinayad nila bilang talent fee ni Brown.
Ayon naman sa abogado ni Pio Roda na si Atty. Sarah Abraham, sasagutin nila ang lahat ng alegasyon ng kumpanya.
Binigyan naman ni DOJ Asst. Prosecutor Christine Buencamino, nang hanggang Agosto 17 ang kampo ni Pio Roda para sagutin ang reklamo laban sa kanya.
Mananatiling nakadetine si Pio Roda sa Bureau of Immigration bunga na rin ng lookout bulletin order na ipinalabas laban sa kaniya at kay Brown.
Dumating sa Pilipinas si Brown noong nakaraang linggo para sa one-night-only concert sa MOA Arena. Pero hindi kaagad siya nakaalis ng Pilipinas dahil sa ipinalabas na lookout bulletin order. -- Joseph Morong/FRJ, GMA News