Rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ni 'Yolanda,' mabagal
Nanawagan ang isang opisyal ng United Nations (UN) sa pamahalaan ng Pilipinas na bilisan at tapusin na ang mga proyektong pabahay para libu-libong tao na nawalan ng tirahan dahil sa pananalasa ng super typhoon Haiyan (Yolanda) noong Nobyembre 2013.
"Many families remain housed in collective 'bunkhouses' that do not meet necessary minimum standards for the provision of basic needs and services," saad sa pulong balitaan sa Manila ni Chaloka Beyani, U.N. special rapporteur on the human rights of internally displaced persons.
Dagdag pa ng opisyal, "I was concerned to learn that funding shortfalls and political challenges, including inadequate cooperation between national and local governments, are delaying processes towards achieving durable solutions."
Itinuturing pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas si "Yolanda" na kumitil sa buhay ng mahigit 6,000 katao at nakaapekto sa mahigit 4 milyong mamamayan.
Batay umano sa tala ng pamahalaan na nakuha ng wire news agency Reuters, nasa 2.5 percent pa lang ng target na itayong 21,012 permanent housing para sa mga biktima ng bagyong "Yolanda" sa Eastern Visayas region ang nakahanda nitong Hunyo.
Iniulat umano ng National Housing Authority na nasa 542 pabahay pa lang ang nakompleto.
Samantala, patuloy naman ang konstruksiyon sa may 4,900 bahay. Pero sa dalawang bayan ng Samar island at anim na bayan sa Leyte island, wala pa rin umanong naitatayo.
"While the government is to be commended in terms of its immediate responses, its attention to ensuring sustainable durable solutions for IDPs (internally displaced persons) remains inadequate to date," ayon sa pahayag ni Beyani na mababasa sa UN website.
Nagpunta sa Pilipinas si Beyani nitong huling bahagi ng Hulyo para personal na makita ang ginagawang aksiyon ng pamahalaan para matulungan ang mga nawalan ng tirahan dahil sa bagyong "Yolanda," at pati na sa mga naapektuhan ng labanan ng militar at mga rebeldeng Muslim sa Zamboanga.
Pinuna rin ni Beyani na nalalantad sa pang-aabuso at maagang pagbubuntis ang mga kababaihan (pati kabataan) na tumutuloy sa mga itinayong pansamantalang tirahan ng mga biktima ng kalamidad.
Sinabi ni Social Welfare Secretary Corazon Soliman sa Agence-France Presse na mayroon pang 2,000 pamilya ang tumutuloy sa mga pansamantalang tirahan na itinayo ng gobyerno tulad ng mga bunkhouses.
Targer umano ng pamahalaan na mailipat sa permanenteng tirahan ang 70 porsiyento ng 2,000 pamilya bago matapos ang taon.
"We are aware of the need to fast-track the permanent shelters, but there are constraints," pag-amin ni Soliman sa AFP.
Kabilang umano sa mga problema ang kawalan ng kuryente at suplay ng tubig sa mga lugar dahil hindi nakababayad ang lokal na pamahaan, ayon sa kalihim.
Naantala rin daw ang mga proyekto dahil sa pagtaas ng presyo ng mga lupa na pinagtatayuan ng proyekto.
Noong Disyembre 2013, itinatag ni Pangulong Benigno Aquino III ang Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery na itinalagang mamamahala sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta bagyo. Hinirang ni Aquino na pinuno ng ahensiya si dating Senador Panfilo Lacson.
Pero nagbitiw sa naturang posisyon si Lacson noong Pebrero 2015 dahil sa paniwala nito na mas makabubuti na isang permanenteng ahensiya ang mangangasiwa sa mga proyekto.
"Wala akong frustrations o hangups kasi nagawa naman namin ang mga dapat gawin. May existing tayo na batas – yung law creating the NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) – at dapat lang ibalik doon [sa council] ‘yung reconstruction and rehabilitation efforts dahil doon naman nanggaling iyon,” paliwanag ni Lacson nang magbitiw.
Gayunman, aminado si Lacson na naging mahirap para sa kaniya ang magbigay ng direktiba sa ibang ahensiya ng pamahalaan.
Inilipat na ang tungkulin ng OPARR sa National Economic and Development Administration. — with Reuters/AFP reports/FRJ, GMA News