Hulicam: Binatilyong estudyante, hinampas ng bato sa batok ng batang kalye
Nakunan ng closed-circuit-television camera ang patraydor na paghampas ng bato ng isang batang kalye sa batok ng isang batang estudyante habang naglalakad sa gilid ng EDSA sa Caloocan City.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, ipinakita ang kuha ng cctv habang naglalakad ang isang binatilyong estudyante. Nakasunod sa kaniya ang tatlong batang kalye na ang isa ay dumampot ng bato.
Hindi nagtagal, nakuhanan ng video ang paghampas ng batang kalye ng bato sa batok nang nakatalikod na estudyante, na nagawa pang makalaban bago lumayo.
Ilang pulis na nasa lugar ang kaagad na rumesponde at hinabol ang batang nanghampas ng bato hanggang sa madakip ito.
Ayon sa mga pulis, perwisyo ang inaabot ng mga motorista sa tuwing may mga batuhan at away-bata sa kalsada.
Sa barangay Otso sa Caloocan city din, perwisyo rin ang inaabot ng mga residente at motoristang nadadamay sa mga rambol ng kabataan.
Nito lang daw July 25, isang 17-anyos na lalaki ang namatay dahil sa riot matapos barilin.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, tila nagiging sukatan daw ng katapangan ng mga batang lalaki ang pagsali sa mga rambol.
Madalas daw na hindi madisiplina ng mga magulang ang mga nasabing menor de edad, at aminado raw ang ibang magulang dito. -- FRJ, GMA News