ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Para isulong ang 'medicinal' marijuana

Mambabatas, umaming gumamit noon ng marijuana


Para isulong ang kaniyang panukalang batas na payagan ang paggamit ng "medicinal" marijuana, inamin ng isang kongresista sa pagdinig ng komite sa Kamara de Representantes na gumamit siya ng marijuana noong kabataan niya.
 
Sa pagdinig ng House committee on health nitong Martes, nagulat ang mga kapwa kongresista at bisita sa pagdinig ng komite nang sabihin ni Isabela Rep. Rodolfo Albano III, na gumamit siya ng marijuana noong kabataan niya at wala itong naging masamang epekto sa kaniya.
 
“Ang kinatatakutan nilang ito ay magiging gateway drug— ako gumamit ng marijuana noon, hindi ako naadik. Hindi ako nag-cocaine o shabu,” paliwanag ni Albano na nagsusulong ng House Bill 4477 na naglalayong magamit na gamot ang marijuana na kasama sa listahan ng ipinagbabawal na droga sa ngayon,

Bagaman inamin niya na nakararamdam siya noon ng “high” sa paggamit ng marijuana, ang tanging naging epekto raw nito sa kaniya ay paglakas sa pagkain.

“Wala namang nangyari sa akin because of my experience with marijuana. Lumakas lang siguro akong kumain,” aniya.

Sa halip na katakutan, sinabi ni Albano na dapat alamin at magsagawa ng masusing pag-aaral tungkol sa marijuana at kung ano ang medikal na maitutulong nito.

“Hindi natin alam kung ano talaga itong drug na ito. Dapat huwag muna nating husgahan itong drug na ito. Dapat i-research ito. Kung may beneficial effects ito, dapat ibigay natin sa mga taong nangangailangan nito,” hiling niya.

Ang HB 4477 ay naglalayong gawing legal at iregulate ang marijuana para magamit na gamot ng mga pasyenteng may "debilitating medical conditions."

Kabilang sa mga medical condition na ito ay ang:

• cachexia o wasting syndrome
• severe and chronic pain
• severe nausea
• seizures, including but not limited to those characteristic of epilepsy
• severe and persistent muscle spasms, including but not limited to those associated with multiple sclerosis

Naniniwala si Albano na makatutulong ang kaniyang panukalang batas sa mga pasyenteng taglay ang nabanggit na mga karamdaman. Hindi raw layunin ng panukala na gawing bisyo ang marijuana.

"We're not espousing the use of recreational marijuana even to the youth because may lethargic effect din 'yan. Pero ang point ko is, hindi kriminal lahat ng taong gumagamit ng marijuana," giit niya.

'Di pwedeng sigarilyo

Para alisin ang pangamba ng pag-abuso sa marijuana, sinabi ni Albano na bawal na gawing sigarilyo ang marijuana para gamiting gamot.

“The cannabis would be given in purified form. There will be no paraphernalia used like in shabu to avoid pot sessions,” paliwanag niya.

Paglilinaw pa niya, hindi lubos na aalisin ang kriminal na pananagutan sa paggamit ng marijuana pero magbibigay lang ng “limited and narrow exception” para mapayagan ang mga kinauukulang duktor na magrekomenda ng medical cannabis sa karapat-dapat na pasyente.

“In other words, the bill is only for medical, not recreational purposes,” giit niya.

Ano ang medical marijuana?

Sa kabila nito, nananatiling tutol ang Dangerous Drugs Board (DDB) sa panukalang batas dahil sa kanilang posisyon na ang marijuana, “is a dangerous drug detrimental to public health and welfare.”

Gayunman, sinabi ni DDB Undersecretary Jose Marlowe Pedragosa na hindi sila tutol sa medical marijuana per se, ngunit kailangan itong mairehistro bago angkatin o gamitin ng pasyente.

Pinuna niya na walang malinaw na paliwanag kung ano ang tinatawag na "medical marijuana"

“I’ve been trying to digest the bill. It doesn’t define medical marijuana… [It] should be defined and should be a pharmacological product approved by various authorities,” giit ng opisyal.

Sinabi naman ni Dr. Chuck Manansala ng Medical Cannabis Research Center, na walang masama sa paggamit ng marijuana para sa medisina dahil ang naturang halalan ay isa umanong medicinal plant.

“Cannabis is medicine, and our people have the right to health,” aniya.

Dagdag pa niya, mayroon umanong mga multinational pharmaceutical company ang namumuhunan ng milyong dolyar para pag-aaralan ang marijuana at kung papaano makukuha ang medicinal properties nito.

Sabi naman ni Dr. Minerva Calimag ng University of Santo Tomas Faculty of Medicine and Surgery, naaalis ng paggamit ng medicinal marijuana ang sakit na nararamdaman ng pasyente.

“We don’t see our patients having seizure or feeling pain. But that’s because they’ve become euphoric," aniya. — FRJ, GMA News