13-anyos na babae, ginahasa at nabuntis umano ng kaniyang kuya
Sa paulit-ulit na panghahalay kapag wala ang mga kasama sa kanilang bahay sa San Rafael, Bulacan, nabuntis umano ng isang 25-anyos na lalaki ang isang 13-anyos na babae na kapatid niya sa ama.
Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabi ng hepe ng San Rafael police na nangyari umano ang pang-aabuso ng suspek sa biktima nitong Abril hanggang Hunyo.
Tuwing wala ang mga kasama sa bahay, dinadala umano ng suspek ang biktima sa kuwarto para gahasain.
Hindi raw nakapagsumbong kaagad ang biktima sa kanilang mga magulang dahil sa pananakot ng suspek na papatayin siya.
Nitong nakaraang linggo, tinangka raw ulit ng suspek na pagsamantalahan ang biktima pero nakatakas ito at nagsumbong sa kanyang mga magulang.
Kaagad silang humingi ng tulong sa mga awtoridad kaya naaresto ang suspek.
Sa kulungan, itinanggi ng suspek ang mga paratang laban sa kaniya. Hinamon pa niya ang mga awtoridad na ipa-medical exam ang biktima.
Nang suriin ang biktima, lumitaw na apat na buwan na siyang buntis.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong multiple rape at attempted rape in relation to child abuse.
Nasa pangangalaga naman ng children and women's desk ng San Rafael police ang biktima. -- FRJ, GMA News