ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Tiyak na happy siya

Enrile, pinayagan ng SC na magpiyansa


Pinayagan ng mga mahistrado ng Korte Suprema nitong Martes na makapagpiyansa at makalaya si Senador Juan Ponce Enrile habang dinidinig ng Sandiganbayan ang kaniyang kasong pandarambong at katiwalian.
 
Sa botong 8-4, pinagbigyan ng mga mahistrado ng SC ang petisyon ng kampo ni Enrile na makapagpiyansa ang senador na nahaharap sa graft at plunder charges kaugnay sa umano'y maanomalyang paggamit ng kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), na kilala rin bilang pork barrel fund.

Ang desisyon ay ipinaalam sa mga mamamahayag ni SC spokesman Ted Te. Hindi naman siya nagbigay ng iba pang detalye.
 
“The court granted the petition for bail of petitioner Juan Ponce Enrile, subject to the terms and conditions to be specified by the Court in its Order which will be forthcoming,” ayon sa tagapagsalita ng mga mahistrado.

Sa isang ulat ng GMA News TV Live, sinabing itinakda sa P1 milyon ang piyansa ni Enrile.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News Tv's Balitanghali, sinabing tumutol sa pagkakaloob ng piyansa ni Enrile sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio, at Associate Justices Estela Perlas Bernabe at Marvic Leonen.

Sinabi ni Te sa pulong balitaan na hindi sumali sa deliberasyon ng bail petition ni Enrile si Associate Francis Jardeleza dahil nagsilbi siyang Solicitor General, habang naka-leave naman si Associate Justice Bienvenido Reyes.

Naghain ng petisyon para makapagpiyansa si Enrile, 91-anyos, noong Setyembre 4, 2014, dahil sa kaniyang edad at ang kusang pagsuko sa Sandiganbayan para harapin ang kaniyang kaso.
 
Masaya si JPE

Naniniwala naman si Atty. Estelito Mendoza, abogado ni Enrile, na magiging masaya ang kaniyang kliyente sa naging desisyon ng SC.

“Most of those now detained, about 90 percent are like him, in preventive detention, meaning only undergoing trial, and not serving sentence,” paliwanag ni Mendoza.
 
Sinabi naman ni Atty. Joseph Sagandoy, abogado rin ni Enrile, na kaagad silang maglalagak ng itinakdang halaga ng piyansa, "so the senator can again actively perform his duties and responsibilities as a senator."

Sa isang pahayag, sinabi ni Sagandoy na ang plunder case laban kay Enrile ay, "practically go back to square one since the Supreme Court also granted his motion for bill of particulars last week."

"The prosecution will have to amend the information against him or provide the required details and particulars of the charges against him. Otherwise, the case may be dismissed," dagdag niya.

Sa Malacañang, sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., na ang Office of the Ombudsman ang may tungkulin na gumawa ng nararapat na hakbang kaugnay sa naging desisyon ng SC.
 
Iginiit naman ng kalihim na nananatiling determinado ang administrasyong Aquino “to pursue its anti-corruption campaign in a sustained manner.”

“This steadfast commitment is not dependent on the outcome of any particular case,” dagdag ni Coloma.
 
Binati naman ni Sen. Francis Escudero si Enrile sa nakamit nitong legal na tagumpay sa kinakaharap na kaso. Marami rin umano ang posibleng makinabang sa ginamit na katwiran ng kampo ni Enrile para makuha ang pagsang-ayon ng mga mahistrado.
 
"This is a seminal and precedent setting decision on the right to bail given the unique theory used by Senator Enrile," ani Escudero sa isang text message sa GMA News Online.
 
“I congratulate him on his legal victory and look forward to working with him again in the Senate,” dagdag niya.

Inihayag naman ni Senador Aquilino Pimentel III na inaasahan na niya ang magiging paborableng desisyon para kay Enrile.
 
Dapat naman umanong igalang ang desisyon ng SC sa petisyon ni Enrile, ayon kay Senate President Franklin Drilon.

“The Senate will always respect, follow and implement every decision of the courts. We will abide by the legal processes as we have always done in the past,” saad niya sa ipinalabas na pahayag.
 
Sinabi naman ni Senador Ralph Recto na maraming trabaho ang naghihintay kay Enrile sa Senado.

“With his experience, he can certainly enrich the discussions on the budget and the BBL (Bangsamoro Basic Law). It is also worth noting that his liberty came on the 70th anniversary of the end of the war with Japan, which he fought in, and serves as a testament to the man’s resilience and staying power,” saad sa pahayag ni Recto.

Pork barrel case

Idinitine si Enrile kaugnay ng kinakaharap na kasong katiwalian at pandarambong na aabot sa P172 milyong kickback umano nito sa pork barrel scam.

Nakasaad sa Republic Act 7080 na maaaring kasuhan ang isang public official ng "plunder" na isang non-bailable offense, "if he amasses, accumulates or acquires ill-gotten wealth through a combination or series of overt criminal acts" na aabot sa P50 milyon ang halaga.

Noong July 25, 2014, pinatawan si Enrile ng 90-day suspension order ng Third Division ng Sandiganbayan.

Bukod kay Enrile, nakapiit din at nahaharap sa katulad na kaso ng katiwalian at pandarambong kaugnay ng maanomalya umanong paggamit ng pork barrel funds sina Ramon Bong Revilla Jr. at Jinggoy Estrada.
 
Akusado rin sa alegasyon ng katiwalian sa paggamit ng pork barrel fund ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles, na itinuturong utak umano sa anomalya.

Itinanggi ng mga senador at ni Napoles ang mga alegasyon.

Naka-hospital arrest si Enrile sa PNP General Hospital, habang nakadetine naman sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City sina Revilla at Estrada. -- FRJ, GMA News