ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sundalo vs pulis: 3 ang patay sa barilan sa Zambo City


Dalawang pulis at isang sundalo ang nasawi matapos silang magkabarilan sa Zamboanga city. Sugatan naman ang isang tindero ng balut na nadamay sa engkuwentro nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ni Tek Ocampo sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabing naganap ang barilan sa barangay Labuan sa nabanggit na lungsod.



Sa imbestigasyon, sinabing nakasagupa ng dalawang pulis na miyembro ng Regional Public Safety Battalion ang dalawang sundalo ng Philippine Marines.

Nasawi sina PO3 Alkashmir Lipae at PO1 Muhsin Ja-i-nul, gayundin din si Marine Corporal Jayson Marqueses.

Ayon sa Task Group Zamboanga, naka-duty sa lugar ang dalawang sundalo na miyembro ng Marine Battalion Landing Team-9 nang mapansin nila si PO3 Lipae na nakasakay sa isang motorsiklo.

Hindi umano nakauniporme ng pulis nang sandaling iyon at may angkas na sibilyan na dala ang riple ng pulis.

Isinumbong umano ng mga sundalo sa mga opisyal ang kanilang nakita kaya nasita si Lipae.

Pagkaraan nito, binalikan ni Lipae, kasama si Jainul, ang mga sundalo para komprontahin sa ginawa nilang pagsusumbong at doon na naganap ang engkwentro.

Bumuo na ng investigating team ang pulisya at militar para tutukan ang nangyaring insidente.

Isa pang sibilyan na kasama umano ng nasawing pulis ang pinaghahanap ng mga awtoridad. -- FRJ, GMA News

Tags: encounter