Bakit na-nominate noon si Ninoy Aquino sa FAMAS Awards?
Kilala ng marami na isang pulitiko at bayani ang namayapang si dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr. Pero alam ba ninyo na minsan siyang na-nominate sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards o FAMAS, ang award-giving body na nagbibigay ng parangal sa mga natatanging pelikula.
Dahil sa pagsulat niya sa istorya ng ginawang war movie na "Korea" na pinagbidahan nina Jaime de la Rosa at Nida Blanca, naging nominado si Ninoy sa kategoryang "Best Screenplay" sa FAMAS noong 1953.
Gayunman, bigong manalo si Ninoy dahil ang parangal bilang "Best Screenplay" ay nakamit ng pelikulang "Buhay Alamang," na isinulat nina Cesar Amigo at Eddie Romero.
Naging nominado rin ang Korea bilang Best Picture, na napanalunan naman ng pelikulang Ang Sawa Sa Lumang Simboryo.
Pero naiuwi naman ng mga bida sa pelikulang Korea ang award para sa Best Supporting Actress (Nida Blanca) at Best Supporting Actor (Gil De Leon).
Nagawa ni Ninoy ang istorya ng pelikulang Korea mula sa kaniyang karanasan bilang mamamahayag na nag-cover sa Korean war noong 1950 sa edad na 18.
Isinilang sa Tarlac noong Nobyembre 27, 1932, pumanaw si Ninoy noong Agosto 21, 1983 nang barilin siya sa Manila International Airport, na kilala na ngayon bilang Ninoy Aquino International Airport. -- FRJ, GMA News