Dapat mahinto ang pagtaas ng matrikula - Neri
Ipinahayag ng bagong lipat na Commission on Higher Education (CHED) chair na si Romulo Neri na magtatrabaho siya upang pigilan ang pagtaas ng matrikula sa kolehiyo, samantalang titingnan pa niya ang kapangyarihan ng departmento ukol dito. "Our inflation rate is low so I don't see why tuition should increase," ani Neri sa isang panayam sa Unang Balita ng GMA Unang Hirit nitong Lunes. Ang patuloy na pagtaas ng tuition ang sanhi ng problema sa ilang college pension plan, ayon kay Neri na pansamantalang iniwan ang kanyang pwesto bilang National Economic and Development Authority (NEDA) secretary general at Economic Planning Secretary. Mananatili ng anim na buwan si Neri sa CHED. Samantala, dahil sa 30 porsiyentong unemployment rate sa college graduates, makikipag-ugnayan si Neri sa ilang businessman at education officials upang humanap ng solusyon sa problema. "My plan is to really get the business sector and the academic sector together so that we can talk about what is really needed and how the academic sector can bring in the necessary academic products to answer to the demands of the economy," paliwanag ni Neri. Iginiit ni Neri na karapat-dapat siya na pamunuan ang CHED dahil mayroon siyang sapat na karanasan bilang instructor sa UP at bilang finance professor sa Asian Institute of Management. Subalit, inamin ni Neri na wala siyang ideya kung paano hawakan ang review centers lalo na pagkatapos ang kontrobersya sa Nursing Board Exam noong nakaraang taon. Pinalitan ni Neri si outgoing CHED Chair Carlito Puno, kapatid ni Supreme Court Chief Justice Reynato Puno. Ayon kay Presidential Management Staff (PMS) head Cerge Remonde, si Carlito ay ililipat sana sa United Coconut Chemicals Inc., isang government corporate subsidiary subalit tinanggihan daw ni Puno ang alok. "I hope he continues the programs I was just about to start ... that's my wish," payo ni Puno kay Neri sa isang panayam ng GMA News. Samantala, si Director Augustus Santos ang papalit kay Neri sa NEDA. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV