ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Oxalic acid, lumitaw sa awtopsiya ng mag-asawang nakitang patay sa sasakyan


Nagpositibo sa oxalic acid ang mag-asawang natagpuang patay sa kanilang sasakyan na nakaparada sa isang mall sa Las Piñas noong Hulyo.

Sa ulat ng GMA News TV's QRT nitong Martes, sinabing lumitaw sa pagsusuri ng crime laboratory ng Philippine National Police na mayroong  oxalic acid ang laman ng tiyan ng mga mag-asawang biktima na sina Jose Maria at Juliet Escano.



Ang oxalic acid ay sangkap sa ilang kemikal na ginagamit na panlinis sa bahay.

Sinabi sa ulat na ang nakalalasong kemikal ay hindi madaling malasahan kapag nahalo sa inumin.
 
Noong nakaraang Abril, dalawa ang nasawi at isa ang naospital matapos makainom ng milk tea sa isang tindahan sa Maynila na nahaluan din umano ng oxalic acid.
 
Basahin: Milk tea poisoning kills two in Manila
 
Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya kung paano nahaluan ng nakalalasong kemikal ang ininom o kinain ng mag-asawa biktima sa Las Piñas.

Kabilang sa mga gamit na nakita sa sasakyan ng mag-asawa ay plastic bottle ng isang orange juice drink, dalawang paper cups mula sa isang convenience store, isang maliit na transparent plastic cup (na hinihinalang may suka ng biktima), dalawang plastic green straws, isang itim na plastic trash bin, at 35 piraso ng mga resibo. -- FRJ, GMA News