ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4 na bata sa Batangas nawawala, maaring na-kidnap ayon sa PNP


Apat na bata ang nawawala at pinangangambahang na-kidnap habang dalawang iba pang insidente ng posibleng tangkang pag-kidnap ang iniimbestigahan ngayon ng pulisya sa Batangas, ayon sa dalawang opisyal nito.
 
Iniulat ng Batangas provincial police chief at ng tagapagsalita ng “special investigation task group Batang Anghel” na ang apat na bata ay nawala sa magkahiwalay na insidente sa bayan ng Bauan gabi ng Agosto 27.
 
Ayon sa pulis, ang apat na bata ay pawang mga parking barkers na tumutulong sa mga namamasada doon.
 
Isa sa mga bata ay napagalaman nilang nag-aaral sa San Pascual National High School, dalawa sa San Pascual Elementary School, at ang isa naman ay tila hindi nag-aaral na residente ng Bauan.

Nagpalabas ang Batangas PNP ng isang "missing persons" poster image upang makatulong ang publiko sa paghahanap sa mga bata.

 
Salaysay ng saksi
 
Batay sa salaysay ng isang saksi (na kaibigan ng isa sa mga nawawalang bata), nasa isang parking area malapit sa isang convenience store ang mga bata nang dumating ang isang umano'y hindi nakikilalang lalaki na bumaba mula sa isang itim na motorsiklong Kawasaki.
 
Pinaghahabol ng lalaki ang mga bata na nagpulasan patungo sa Bauan Public Market.
 
Ang saksi, kasama ang kanyang kaibigan ay bumalik sa parking area at doon ay kanilang nakita ang itim na motorsiklo na may kasunod na itim rin na van
 
Sinabi ng saksi na umuwi ang kanyang kaibigan na umangkas sa likuran ng isang pumapasadang jeep.
 
Kinabukasan napagalaman ng saksi mula sa drayber ng jeep na ang kanyang kaibigan ay nasundan ng isang lalaki at pilit na isinakay sa isang naghihintay na van.
 
Pinaghahanap na ngayon ng mga pulis ang drayber ng jeep upang makuha ang kanyang salaysay.
 
Ayon kay Inspector Luma-ang dalawa pang insidente ng posibleng pagdukot ang nangyari noong Setyembre 3, Huwebes at ang mga ito ay iniimbestigahan ng mga pulis.
 
Sa Bauan dakong alas-onse nang umaga, ang umano'y tinangkang dukutin ay isang batang babae na edad limang taon. Naglalakad ang bata kasama ang ina nang may hindi nila kilalang tao na pilit hablutin ang bata. Hindi naman nasaktan ang bata.
 
Bandang hapon ng alas-tres, isang 17 taong gulang na babae na residente ng Nagcarlan, Laguna ay umano'y dinukot sa Barangay Kumintang Ibaba sa Batangas City. 
 
Ngunit ang dalaga ay nakatakas sa Lipa nang ang lalaking dumukot sa kanya ay bumaba ng sasakyan upang umihi at hinayaan daw siya ng drayber na tumakas.
 
Maling hinala
 
Sa San Pascual, isang ina ang nag-alala nang hindi niya agad mahanap ang tatlong bata.

Ini-report niya agad sa barangay hall sa kanilang lugar.

Ngunit hindi pala nawawala ang mga bata dahil sila pala ay naligo lamang sa isang malapit na ilog.
 
CCTV
 
Sa ulat niya sa Philippine National Police headquarters, sinabi ni Police Senior Superintendent Omega Jireh Fidel na kinakalap na ng mga pulis ang mga video footage mula sa closed-circuit television security cameras sa mga lugar pinagyarihan ng mga hinihinalang krimen.
 
Pinakilos na rin ang mga tauhan Criminal Investigation and Detection Group sa Batangas.
 
Ayon kay Inspector Luma-ang ang task group Batang Anghel ay binubuo ng 15 pulis at sila ay pinamumunuan ni  Police Superintendent Dennis Esguerra.
 
Dagdag pa ni Luma-ang na ang tanging ang kaso ng apat na batang nawala noong Agosto 27 at ang dalawang posibleng tangkang pagdukot ang mga iniimbestigahan ng mga pulis.
 
Nanawagan si Luma-ang na ipagbigay-alam sa mga pulis ang anumang impormasyon na makakatulong para mahanap ang apat na bata.
 
Hinimok nya ang publiko na huwag magkalat ng mga hoax o pekeng mensahe na magpapagulo lamang sa sitwasyon.

"Huwag mag-panic"


 
 
Si Batangas Governor Vilma Santos ay nakapanayam ng GMA News sa programang “Quick Response Team” hapon ng Biyernes at nanawagan ang gobernadora sa publiko lalo na sa mga Batangueño na huwag mag-alala o mag-panic.
 
"Hindi po ito gan'un kalaki, ang importante po ay magtulungan tayo," aniya. "Kung meron man [kidnappings] we are not taking it sitting down. We are here to help you."


 
 
Dagdag pa ni Gov. Santos na nagtalaga ng isang telephone hotline—(043)723-9350—para sa mga impormasyon na makakatulong sa paghahanap sa mga nawawalang bata.
 
Nakiusap siya na huwag naman tawagan ang hotline para sa mga masamang biro o practical jokes dahil hindi naman iyon makakatulong sa gawain ng pulisya.  — GMA News