ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mt. Bulusan sa Sorsogon pumutok muli


Muling nagising ang bulkang Bulusan sa Sorsogon nitong Martes at naglabas ng abo na bumulusok sa himpapawid na umabot sa taas na limang kilometro. Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagputok ng bulkan bandang 9:37 ng umaga. Ayon kay Bella Tubianosa, volcanologist ng Phivolcs Sorsogon, ito na ang pinakamalaking pagsabog ng bulkan. Patungong hilagang-kanluran ang abo. Dahil sa pagbuga ng bulkan, iniutos na ni Department of Education Superintendent Lorna Dig-Dino ang suspensyon ng klase sa lahat ng apektadong lugar para sa kaligtasan ng mga mag-aaral. Papuntang west-southwest at west-northwest ang hangin na nasa direksyon ng mga bayan ng Juban at Irosin, ayon sa Phivolcs Manila. Sa isang panayam sa telebisyon, nagbabala si Phivolcs Director Renato Solidum na, "If there are heavy rains on the slopes of the volcano especially on the western side, people should stay away from the river channels of the volcano." "The data we gathered indicate that possible explosions will be like the one this morning or the previous explosions," sabi ni Solidum habang siniguro na patuloy na babantayan ang bulkan. Subalit, iginiit ni Solidum na wala siyang nakikitang batayan upang sabihing “hazardous" na ang sitwasyon doon. Samantala, may apat na kilometrong danger zone sa paligid ng bulkan. Kasalukuyang nasa ilalim na rin ng Alert Level 1 ang lugar, ibig sabihin may posibilidad ng mas malakas na pagputok. Ayon kay Tubianosa sa panayam ng dzBB radio, "We have not totally lifted the Alert Level warning because we have continued to record volcanic quakes." Nang tanungin kung puputok pa ba ang Bulusan, ani Tabianosa,"We cannot give an exact time, but we have been giving alerts on the volcano. That's why we can expect sudden ash explosions in the coming days." Noong Mayo huling naramdaman ang pag-aalburuto ng Bulusan na naitalang nagkaroon ng halos 56 na pagyanig sa loob ng 24 oras. Ayon sa Phivolcs, ang mga lindol ay may kasamang pagsingaw ng “steam" na umabot sa 50 km at patungong timog-kanluran ng bulkan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV