ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Malacañang, humingi ng pang-unawa sa matinding trapiko nitong Martes ng gabi


Nakiusap muli sa publiko ang Malacañang nitong Miyerkules na unawain ang nangyaring matinding bigat sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila nitong Martes ng gabi na tinawag ng ilang motorista at netizens na "carmageddon."
 
Sa isang pahayag, sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. na bumigat ang daloy ng trapiko nitong Martes ng gabi dahil sa matinding pag-ulan na nagdulot ng biglang pagbaha sa mga lansangan.
 
“Government’s efforts to improve traffic flow along EDSA and major thoroughfares were greatly hindered last night by heavy rains and flash floods that were experienced during the rush hour of homeward-bound commuting,” anang kalihim.
 
Sinabi ni Coloma na dakong 11:00 p.m. na bumalik sa normal ang daloy ng mga sasakyan nang humupa na rin ang pagbaha.
 
“We understand the plight of many who were stranded and delayed considerably in reaching their homes and destinations and we seek their kind understanding,” pakiusap niya.
 
Dahil sa matinding bigat ng daloy ng trapiko, idinaan ng marami sa social media ang kanilang sama ng loob sa nangyari.
 
Inamin naman ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na mabigla rin sila at hindi inaasahan ang nangyari dulot ng matinding pag-ulan.
 
Matatandaan na sinimulan ng PNP-HPG nitong Lunes ang pagmando ng daloy ng trapiko sa EDSA alinsunod sa direktiba ni Pangulong Benigno Aquino III.

Tiniyak naman ni Coloma na gumagawa ng paraan ang Department of Public Works and Highways para malunasan ang problema sa pagbaha. — FRJ, GMA News