ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
ELEKSYON 2016

Tunggaliang Poe-Binay-Mar, humihigpit batay sa SWS survey


Pahigpit ng pahigpit ang labanan nina Sen. Grace Poe, Vice President Jejomar Binay, at dating Interior Secretary Manuel "Mar" Roxas II sa pagkapangulo sa darating na halalan sa 2016, ayon sa resulta ng survey ng Social Weather Stations na inilathala noong Martes.

Isinagawa ng SWS ang survey mula September 2 hanggang 5; may 1,200 respondents ito sa buong bansa at inilathala ang resulta nito sa BusinessWorld gabi noong Martes. Sa 1,200 respondents, 96% ang mga botante.
 
Binigyan ang mga respondent ng 12 na mga pangalan na pagpipilian nila kung sino ang papalit kay Pangulong Benigno Aquino III sa 2016. Ito ang tanong sa kanila: “Among the names found in this list, who will you probably vote for as president of the Philippines if elections were held today?”
 
Ayon sa BusinessWorld, nakakuha si Poe ng 26 percent mula mga rehistradong botante na kabilang sa mga respondent. Si VP Binay naman ay nakakuha ng 24 percent at si Roxas ay may 20 percent. Ayon sa ulat, ang tatlong kandidato ay "statistically tied."
 
Pang-apat naman sa survey si Davao City Mayor Rodrigo R. Duterte na nakakuha ng 11 percent.

Samantala, ang mga nakakuha ng score na mababa sa 10 percent ay sina:

Sen. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. (4 percent)
Sen. Francis “Chiz” Escudero  (4%)
Manila Mayor Joseph Estrada (3%)
Sen. Miriam Defensor Santiago (2%)
Former Sen. Manuel B. Villar Jr. (1%)
 
Nakauha naman sina Former Senator Panfilo M. Lacson, Senators Alan Peter S. Cayetano at Loren G. Legarda ng 0.8 percent.
 
Ayon sa ulat ng BusinessWorld, dalawang porsyento sa mga respondent ay walang napili. Ang naturang survey ay pangalawa sa isinagawa SWS sa loob ng linggong ito.

Dadag ng ulat, ang naunang "top-of-mind poll" ay isinagawa rin noong September 2 hanggang 5 sa tulong ng 1,200 respondents sa buong bansa.

Ang pagkakaiba ng una sa pangalawang survey ay ang uri ng pagtatanong. Sa top-of-the-mind sruvey, pinapili ang respondents ng tatlong tao na sa palagay nila ay karapatdapat na pumalit kay Pangulong Aquino sa 2016.

Sinabi ni SWS director Leo Laroza na ang BusinessWorld ang nagdesenyo sa survey na ang resulta nito ay inilabas noong Martes ng gabi.
 
"The lists are commissioned and designed by BW only this quarter, and implemented within the same Third Quarter 2015 Social Weather Survey (same set of respondents)," pahayag ni Laroza sa GMA News Online.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng isa sa tagapagsalita ni VP Binay na si Rico Quicho na "the result will inspire the Vice President and his core supporters to work harder and not to be overconfident."

"The elections will be a battle for every single vote and the Vice President will continue to personally meet with the people around the country," dagdag ni Quicho.

Vice President

Samantala, si Poe rin ang nanguna sa preference survey sa pagkapangalawang pangulo at nakakuha ng 27 percent; sinundan siya ni Sen. Escudero na nakakuha ng 20 percent.
 
Nauna nang inihayag ni Poe ang kanyang pagtakbo sa panguluhan at pinili niya si Chiz na running mate.
 
Ang mga sumusunod ay ang score ng mga napili ng respondents na nais nilang maging VP:

Duterte - 9 percent,
Marcos - 7% ,
Estrada - 7% ,
Cayetano - 5% ,  
Legarda 5%,
Batangas Governor Vilma Santos-Recto - 4%,
Sen. Antonio F. Trillanes IV - 4%,
Lacson - 3%,
Camarines Rep. Leni Robredo - 3% ,
Sen. Jinggoy Estrada -2% , at
Buhay Party-list Rep. Lito Atienza Jr. 0.9% .
 
Tatlong porsyento sa mga respondent ay walang napili para sa VP.
 
Ayon sa BusinessWorld, isinagawa ang VP preference survey alinsabay sa presidential poll at sa kaparehong petsa, sa pamamagitan din ng parehong grupo ng mga respondent.
 
Pareho din ang "methodology" ng VP preference survey, maliban na lamang sa listahan ng mga pangalang pagpipilian, kung saan 13 na  pangalan ang inilagay para sa VP poll. At ang tanong ay: “Among the names found in this list, who will you probably vote for as vice-president of the Philippines if elections were held today?” — LBG, GMA News