ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dating Sen. Joker Arroyo, pumanaw matapos sumailalim sa heart surgery-- Saguisag


Sa edad na 88, sumakabilang-buhay nitong Lunes, Oktubre 5, ang dating senador na si Joker Arroyo matapos na hindi umano maging matagumpay ang operasyon nito sa puso na ginawa sa Amerika, ayon sa kaniyang kaibigan at dati ring senador na si Rene Saguisag.

Sa panayam ng dzBB radio nitong  Miyerkules, inilarawan ni Saguisag na "shocker" ang biglaang pagpanaw ni Arroyo.

Hindi umano niya nabalitaan na nagtungo sa Amerika ang kaibigan na huli niyang nakaugnayan nitong nagdaang Enero.

"Nabasa ko sa emails ko, hindi nag-succeed yung heart operation... Medyo mahirap paniwalaan, napakalakas, young-looking. It was a shocker," pahayag ni Saguisag, na isa ring human rights lawyer tulad ni Arroyo noong panahon ng diktaturyang rehimeng Marcos.

"As of now, basta ang alam natin dinala sa Estados Unidos at doon yumao [si Senator Joker Arroyo]," dagdag niya.

Huling pagkikita

Ayon kay Saguisag, huli niyang nakausap si Arroyo noong Enero nang arestuhin ang kliyente nilang si suspended Makati Mayor Junjun Binay, dahil sa alegasyon ng katiwalian.

"Nung arestuhin si Junjun... sinamahan ako ni Joker... In a matter of hours, nakinig si (Sen) Koko Pimentel at si (Sen) Sonny Trillanes," kuwento ni Saguisag tungkol sa pagpapalaya ng Senado kay Binay.

Si Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III ang chairman ng Senate blue ribbon subcommittee, na nagsiyasat sa mga alegasyon ng katiwalian laban sa pamilya Binay, at miyembro ng komite si Sen. Antonio "Sonny" Trillanes IV.

Bilang human rights lawyer

Unang nagmarka ang pangalan ni Arroyo bilang human rights lawyer nang kuwestiyunin niya sa Korte Suprema ang legalidad ng Proclamation 1081 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na nagdedeklara ng Martial Law.
 
Sa panahon ng diktaturya, nagsilbing abogado si Arroyo ng ilang batikang politiko katulad nina dating Sens. Benigno "Ninoy" Aquino Jr., Jovito Salonga, Aquilino "Nene" Pimentel Jr., Sergio Osmeña III at gayundin nina Eva Estrada-Kalaw, Eugenio Lopez Jr., at Jose Maria Sison.
 
Noong 1986 snap elections, naging abogado si Arroyo ni dating Pangulong Cory Aquino, namayapang ina ni Pangulong Noynoy Aquino III.
 
Nagsilbi rin si Arroyo bilang executive secretary ni Cory, at naging chairman ng Philippine National Bank at executive director ng Pilipinas para sa Asian Development Bank.

Bilang mambabatas
 
Dalawang ulit na nahalal bilang senador si Arroyo noong 2001 at 2007 elections, at natapos ang kaniyang termino noong 2013. Sa panahon ng kaniyang termino bilang senador, kabilang sa mga posisyon na hinawakan niya ay ang pagiging pinuno ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee.

Bago naging senador, tatlong ulit siyang nagsilbi bilang kinatawan ng Makati sa Kamara de Representantes na nag-umpisa noong 1992.

Sa Kamara, pinangunahan ni Arroyo ang lupon ng mga kongresista bilang tagausig sa impeachment trial ni dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada.

Sa panahon ng kaniyang pananatili sa dalawang kapulungan ng Kongreso, nakilala si Arroyo sa kaniyang reputasyon bilang pinakamatipid na mambabatas, hindi gumamit ng pork barrel funds, at hindi naghahain ng panukalang batas.

'Wednesday Group'

Nagpahayag naman ng kalungkutan ang ilang kaibigan ni Arroyo na kasama niya sa tinawag na "Wednesday Group" sa Senado.

Sa isang pahayag, sinabi ni dating Sen. Manny Villar na sa pagpanaw ni Arroyo ay nawalan ang bansa ng "genuine patriot, a fighter, a human rights defender. and a great Bicolano."

"Joker Arroyo loved a good fight – and never runs away from it. He served his country right. And he deserved a big 'Thank You' from all of us," dagdag ng dating Senate President.

Pinuri din ni Villar ang pagiging matapat na kaibigan ni Arroyo na hindi nang-iiwan sa panahon ng kagipitan.

"My Wednesdays would never be the same again. Paalam, kaibigan," saad pa niya.
 
Ang isa pang miyembro ng Wednesday Group na si Sen. Ralph Recto, inilarawan si Arroyo bilang "Great Dissenter. The Maverick. The Defender. The Scrooge for his economical use of office funds."

Dapat umanong kilalanin ang kontribusyon ni Arroyo dahil sa kalayaang nakamit ng bansa mula sa diktaturyang rehimeng Marcos.

"Joker Arroyo was a patriot first class. Having walked in his shadows, I will always remember him as the boy in the fable who had the courage and the candor, who never failed and never tired, to shout that the emperor was wearing no clothes," saad sa pahayag ni Recto.

Dagdag pa niya, "In our next Wednesday Group dinner, we will raise a glass to you."

Ikinalungkot din ni Vice President Jejomar Binay ang pagpanaw ng dating senador na tinawag niyang "a dear friend, a mentor and a brother."

"The death of Joker leaves me with a deep sense of personal loss," saad sa pahayag ni Binay. "The nation has lost a patriot and a true Filipino. I have lost a dear friend, a mentor and a brother."

Patuloy ni Binay, marami silang pinagsamahan ni Arroyo tulad ng paglaban sa rehimeng Marcos, at pagtatanggol kay Ninoy Aquino nang litisin ito ng military tribunal noong martial law."

"Lumalim ito sa aming pakikibaka bilang human rights lawyers sa ilalim ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity and Nationalism Inc. (MABINI). Sa husgado, sa mga welga at rali, at sa 1986 EDSA Revolution, magkakasama kami ni Joker at mga 'abogadong palaban' para manindigan sa panig ng kalayaan at demokrasya," ani Binay. -- FRJ, GMA News

Tags: jokerarroyo