4-anyos na lalaki, sugatan matapos atakihin ng aso
Nagtamo ng mga sugat sa likod at kaliwang braso ang isang apat na taong gulang na batang lalaki matapos siyang atakihin at sakmalin ng isang aso sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing "rabid dog" o kinakitaan ng kakaibang ikinikilos ang aso na umatake sa bata nang suriin.
Kuwento ng biktimang itinago sa pangalang Marlon, naglalakad lang siya nang biglang lapitan ng aso. Dahil sa pagkagulat, tumakbo daw ang bata at hinabol ng aso.
Nang madapa ang bata, sinakmal siya ng aso.
Ayon sa ama ng bata, mabuti na lamang at may nakakita sa pangyayari kaya nailigtas ang kaniyang anak sa mas matindi sanang kapahamakan.
Kaagad na dinala sa pagamutan ang bata para bakunahan ng anti-rabies.
Bago pa makagat ang bata pinuntahan ng mga awtoridad ang lugar kung saan naroroon ang aso dahil na rin sa natanggap nila impormasyon na kakaiba na raw ang ikinikilos ng aso.
Kinain daw nito ang mga bagong panganak na tuta at lagi rin daw umaalulong na manipestasyon ng isang nauulol na aso.
Pinatay na ang aso para masuri at hindi na makapaminsala pa. -- FRJ, GMA News