Senate slate ng LP, malalaman sa Lunes; 'Ping' at 'Pong,' makakasama sa listahan
Tiniyak ng tagapagsalita ng Malacañang na tuloy na sa Lunes ang proklamasyon ng Liberal Party (LP) para sa 12 magiging kandidatong senador ng partido sa 2016 national elections.
"Sa information naman po sa akin ngayon ay tuloy na tuloy na po sa Lunes yung pag-anunsyo ng Senate slate ng Pangulo (Benigno Aquino III)," ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado.
Tumanggi naman si Valte na sabihin kung sino-sino ang kasama sa final senatorial slate ng ruling party.
Unang inanunsyo ng LP na ihahayag nila ang listahan ng kanilang mga senador nitong Biyernes pero iniurong sa Lunes, October 12.
Pag-amin ni Valte, nakaapekto sa pag-anunsyo ng senatorial slate ang pag-atras ni Metropolitan Manila Development Authority chairman Francis Tolentino na makasama sa LP ticket dahil sa kinasangkutang "twerk" scandal ng grupong Playgirls sa Laguna.
"They (LP) had to deal with the fact that si MMDA Chairman Francis Tolentino withdrew himself from consideration, and I think si Mayor Herbert Baustista who had previously signified his intent parang needed more time to think about it as he discusses with his family..." pahayag ni Valte.
Nauna nang iniulat na kabilang sa mga tiyak na makakasama sa senate slate ng LP ang mga re-electionist senators na sina Senate President Franklin Drilon, Senators Teofisto “TG” Guingona III, at Ralph Recto.
Inihayag naman ng isang source na bukod kay dating Sen. Francisco “Kiko” Pangilinan, tiyak na kasama rin sa LP senatorial bets ang mga magbabalik-Senado na sina Panfilo "Ping" Lacson at Rodolfo "Pong" Biazon, na kasalukuyang kongresista ng Muntinglupa.
Sa text message sa GMA News Online nitong Sabado, kinumpirma ni dating Bureau of Customs
commissioner Ruffy Biazon, na ikinukonsidera ng LP na makasama sa Senate slate ang kaniyang ama.
"May mga pag-uusap. Loyal LP member naman si Senator (Biazon). Malalaman nyo ang final (decision) next week," anang nakababatang Biazon.
Inamin din ng dating opisyal na pagtakbo muli sa posisyon bilang kongresista ang unang plano ng kaniyang ama pero posibleng magbago umano ito dahil sa pagkonsidera ng LP na maisama ang dating senador sa senate slate.
"Ang plano sana tapusin ang term (bilang congressman) kasi pang-third ang last na niya kung manalo," ayon kay Ruffy na hindi pa makapagdesisyon kung siya ang tatakbong kongresista kapag natuloy sa pagtakbong senador ang ama.
Posibleng makalaban ni Ruffy sa pagka-kongresista sa Muntinlupa ang aktor at dating Optical Media Board (OMB) chair na si Ronnie Ricketts.
Hindi rin nababahala ang nakababatang Biazon sa tiyansa ng kaniyang ama na manalong senador kahit naging atrasado ang deklarasyon na tumakbo itong muli sa Senado.
"May time pa naman para ipaalam sa mga tao kung sakaling matuloy siyang tumakbong senador. May mga kaibigan din naman na handang tumulong sa kampanya sakaling magkabiglaan," paliwanag niya.
Sa huling survey na inilabas ng Pulse Asia para sa mga posibleng maging senatorial candidate, nasa 17-22 ang posisyon ni Biazon. Samantala, hindi naman kasama ang pangalan ni Biazon sa hiwalay ng survey ng Social Weather Station (SWS).
Sa nakaraang panayam, sinabi ni LP standard bearer Mar Roxas na nasa anim hanggang pito ang kasapi ng partido na kasama sa kanilang senate ticket. Ang natitirang balanse ay para sa mga kaalyado nilang grupo.
Idinagdag pa ni Roxas na hindi rin magiging mahirap na maghanap ng ipapalit sa mga umatras na posibleng senatorial candidates gaya ni Tolentino.
“Ang punto ay ito ba ay isang tao na pwede nating itaya ang ating pangalan at kredibilidad,” ani Roxas. — FRJ, GMA News