ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Manila mayoralty race

Erap vs Lim, rematch sa Eleksyon 2016


Tuloy na ang muling paghaharap sa halalan sa May 2016 nina Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada at dating alkalde ng lungsod na si Alfredo Lim.

Nitong Martes, naghain na ng kaniyang certificate of candidacy si Lim kasama ang running mate na si Rep. Atong Asilo, at ang buong ticket ng Liberal Party sa lungsod ng Maynila.



Sa ulat ng GMA News 24 Oras, pinabulaanan ni Lim ang paratang na ibinaon niya sa utang ang Maynila sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Iginiit din ni Lim na sa panahon ng kaniyang pagsisilbi sa gobyerno ay hindi siya nademanda kaugnay sa alegasyon ng pagnanakaw sa pera ng bayan.
 
Sa pagsabak muli ni Lim sa eleksyon, muli niyang makakaharap si Estrada na tumalo sa kaniya sa mayoralty race noong 2013 elections.

Kumpiyansa naman si Estrada na muli niyang tatalunin si Lim, na inakusahan niyang nagpalubog sa utang sa Maynila.

Katambal ni Estrada bilang kandidatong bise alkalde si Honey Lacuña, anak ng dating vice mayor na si Danny Lacuña.

Bukod kina Estrada at Lim, tatakbo ring alkalde ng lungsod si Rep. Amado Bagatsing, at katambal niya si Ali Atienza, anak ni dating Manila mayor Lito Atienza. -- FRJ, GMA News