ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mas maraming babae na ang nasa mataas na pwesto sa trabaho - DOLE


Higit na dumarami ang bilang ng mga kababaihan na umuokupa sa matataas na posisyon sa trabaho, batay sa pag-aaral ng Department of Labor and Employment (DOLE). Sa isang pahayag ng Labor Department, patuloy na lumalawak ang pagitan ng bilang ng mga kababaihang nakakakuha ng mas matataas na posisyon sa trabaho kaysa sa kalalakihan. Batay sa datos, mayroon lamang 1.4 na milyong bilang ng mga lalaking may supervisory at executive positions kumpara sa 1.86 na milyong babae na nasa parehong pwesto noong 2002. Noong 2006 naman umabot na lamang sa 1.613 milyong kalalakihan ang nasa parehong pwesto, samantala 2.257 milyon naman ang mga kababaihan. Ayon kay Labor and Employment Secretary Arturo D. Brion, kamangha-mangha ang naipakitang galing ng mga Filipina sa larangang ito. Iniuugnay ni Brion ang naipamalas na ito ng mga kababaihan sa edukasyon nila sa bansa. Ayon sa kanya, ipinapakita ng BLES data na isa sa bawat tatlong may trabahong Filipina o 32.8% ng kabuuang 12.8 milyong bilang ng mga empleyadong kababaihan sa bansa noong 2006 ay nakatungtong ng kolehiyo. Sa kabilang banda, tanging isa lamang sa limang kalalakihan o 22.5 % ng kabuuang 20.156 milyong kalalakihan ang nakapasok sa kolehiyo. Mas maraming babae din ang nakapagtapos ng kolehiyo kaysa sa mga lalaki. Isa bawat lima sa mga kababaihan ang nakapagtapos ng kolehiyo o nakapag-Master’s pa kumpara sa isa sa bawat 10 na nakapgtapos sa mga kalalakihan. Dahil may mas mataas na natapos ang mga babae, mas malaki ang tsansang makakuha sila ng mas magagandang posisyon sa trabaho na may mas malaking sweldo din, ayon sa kalihim ng DOLE. Noong 2006, dinomina na rin ng mga babae ang mga lalaki sa trabaho: professionals ( 7.7 % versus 2.2 %), technicians at associate professional (3.6 % versus 2.2 %), clerks (7.7 % versus 2.7 %), service workers at shop maging markets sales workers (12.5 % versus 7.6 %), at laborers and unskilled workers ( 36.1 % versus 28.8 %). Isinaad niya rin ang international survey na nagpakita ng 97 porsyento ng mga negosyo sa Pilipinas ay mayroong kababaihan na nakaupo sa senior management positions, ang pinakamataas sa 32 bansang sinurvey. Higit din daw itong mataas kaysa sa global average na 59%. Ang sinasabing survey na ginawa ng Grant Thornton International Business Report nitong taon ay nagpakita rin ng 13% pagtaas ng bilang ng mga negosyanteng Filipina na may mga babaeng managers din noong 2004. Sinundan ang Pilipinas ng mga bansang Mainland China na may 91%; Malaysia, 85%; Brazil, 83%; Hong Kong, 83%; Thailand, 81%; Taiwan, 80%; South Africa, 77%; Botswana, 74% at Russia, 73%. Nasa dulo ng listahan ang bansang Japan na may 25% lamang ng mga kababaihan sa matataas na posisyon. Kabilang rin dito ang Netherlands , 27 %; Luxembourg , 37 %; Germany , 41%; at Italy , 42 %. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV