Miriam Santiago, naghain ng COC sa pagka-presidente; Cayetano, sa pagka-VP
Tuloy na sa pagtakbong presidente si Sen. Miriam Defensor Santiago matapos itong maghain ng certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes. Naghain din ng hiwalay na COC si Senador Alan Peter Cayetano para naman sa pagtakbong bise presidente sa 2016 elections.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na tatakbong pangulo ng bansa si Santiago, na kamakailan lang ay nagpahayag na tuluyan na siyang gumaling sa kaniyang stage 4 lung cancer.
Unang sumabak sa presidential elections si Santiago noong 1992 kung saan nanalo si dating Pangulong Fidel Ramos, at tumakbong muli noong 1998 na ang naluklok naman sa Palasyo ay si dating Pangulong Joseph Estrada.
"The third time's always a charm," saad ni Santiago nang tanungin sa kaniyang ikatlong pagtakbo sa panguluhan.
Inaasahan na makakatambal ni Santiago sa 2016 elections si Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos, na naghain ng kandidatura sa pagka-bise presidente.
Hindi naiwasan na may pumuna sa tambalang Santiago-Marcos dahil dating kinontra noon ng senadora ang rehimeng diktaturya na ipinatupad ni dating Ferdinand Marcos Sr., ama ni Sen. Marcos.
Regional trial court judge noong 1980s si Santiago nang iutos niyang palayain ang mga estudyanteng nagprotesta laban sa rehimeng Marcos dahil sa kawalan ng warrants of arrest.
Giit ni Santiago, pinaninindigan niya ang naturang desisyon para ipatupad ang hustisya.
"You ask me, 'Do you still affirm the decision you made in court?' Yes, I do. I was correct... Truth is still truth, justice is still justice," ani Santiago.
"I do not have to reconcile me as a trial judge [with my decision to run with Marcos]... Time has changed. Your opinions and ideologies are different from those of your parents'. You always have to adjust to the times," dagdag niya.
Tungkol sa ipinatupad na batas militar ng nakatatandang Marcos, pahayag ni Santiago, "Life does not have to be a constant straight line from one end to another."
Patuloy niya, "At first I was one of the people who did not mind the imposition of Martial Law. In the first few years, there was much more order in the streets, but eventually I think that Martial Law did not proceed as intended."
Cayetano sa pagka-VP
Hanggang sa huling sandali, umasa naman si Sen. Alan Peter Cayetano na magbabago ang pasya ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nais niyang makatambal sa 2016 presidential polls.
Kasama ang maybahay na si Taguig Mayor Lani Cayetano, inihain ni Cayetano ang kaniyang COC, ilang oras bago matapos ang deadline sa paghahain ng mga certificate of candidacy sa Comelec pagsapit ng 5:00 p.m.
"Isa lang ang makakapagbigay ng tunay na pagbabago, si Mayor Rodrigo Duterte," ani Cayetano.
Gayunman, hindi dumating si Duterte at walang naghain ng kandidatura para sa kaniya sa pagtakbong pangulo hanggang matapos ang deadline ng Comelec.
Si Cayetano ang ikatlong kasapi ng Nacionalista Party na tatakbong bise presidente, kasama ang mga kapwa senador na sina Marcos at Antonio Trillanes IV. -- FRJ, GMA News