ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

CBCP tutulong magdasal para sa pagbuhos ng ulan


Dadalhin sa santong dasalan ng simbahan ang kasalukuyang krisis sa tubig na nararanasan ng mga tao at nagdudulot ng kakulangan sa supply ng tubig at kuryente sa buong Luzon, kasama na ang Kamaynilaan. ''Our relief will come from nature,'' sabi ni Cardinal Gaudencio Rosales, arsobispo ng Maynila, sa isang kautusan na inilabas para sa lahat ng kaparian. Kasama sa utos ng arsobispo ang pagdarasal tuwing may misa para sa pagbuhos ng ulan. Hindi pa dumarating ang mga inaaasahang bagyo na dapat sana’y tatama sa Pilipinas nitong mga nakaraang buwan. Dahil sa kakulangan ng tubig-ulan, maraming hydroelectric power plant ang nagsara dahil sa mahinang daloy ng tubig dito. Dalawang linggo na ang nakararaan nang makaranas ng brownout ang ilang lugar sa Metro Manila subalit siniguro na ng Napocor na wala nang dapat ikabahala. Ayon naman kay Agriculture Secretary Arthur Yap, hindi pa naman umaabot sa kritikal na antas ang epekto ng tagtuyot, at may sapat pang patubig sa irigasyon. Patuloy naman ang cloud-seeding operation ng pamahalaan upang makatulong na lumikha ng ulan. Nitong Martes, inilagay na rin sa state of calamity ang lalawigan ng Isabela kasunod ng La Union dahil sa matinding epekto ng tagtuyot sa mga sakahan. ''Our water is not enough. Our soil is thirsty. Our plants are dying,'' ayon sa panalangin ni Archbishop Oscar Cruz sa kanyang website. ''Let the clouds yield their waters to make our rivers full again, to make our plants grow again, to make our lives well again.'' Hindi naman ito ang unang beses na nagdasal ang simbahan para sa ulan. Noong kasagsagan ng El Niño Phenomenon noong 1998, humingi na rin ng parehong tulong ang mga kaparian sa tulong ng Diyos. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV