ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaki, napatay ang kaibigang nagiging ‘zombie’ na umano sa New Mexico


Isang lalaki sa Amerika na masugid daw na tagasubaybay ng hit TV series na "The Walking Dead" ang dinakip ng mga pulis dahil sa pagpatay sa kaniyang kaibigan na nagiging "zombie" na umano.

Sa ulat ng Agence France-Presse nitong Lunes, lumitaw umano sa imbestigasyon ng pulisya na inamin ng suspek na si Damon Perry, 23, ng Prewitt, New Mexico, ang pagpatay sa kaniyang kaibigang "zombie" noong Huwebes sa pamamagitan ng patalim, electric guitar at microwave.
 
Matapos ang pagpatay sa kaibigan, pinagbalingan daw ng suspek ang iba pang nakatira sa apartment sa maliit na bayan ng Grants na nagawang makahingi ng tulong sa mga awtoridad at nadakip si Perry.
 
"I have never seen or heard anything like this," ayon kay Moses Marquez, ng Grants Police Department Detective.
 
"The scene was pretty gruesome and his confession was bizarre," dagdag ng opisyal. "He attributes this murder to him drinking way too much and binge watching 'The Walking Dead.'"
 
Ayon pa kay Marquez, sinabi umano ni Perry sa mga imbestigador na mabilis siyang kumilos laban sa napatay na kaibigan nang magsisimula na itong maging "zombie" at tangkain siyang kagatin.

Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, wala raw history ng mental illness si Perry, na may dalawang anak.

Nakakulong si Perry at nahaharap sa kasong pagpatay. -- Agence France-Presse/FRJ, GMA News