ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mar Roxas, nangakong tutulungan ang nakakulong na anak ng 'katukayo'


Nangako ang presidential candidate na si Manuel "Mar" Roxas II na tutulungan ang nakakulong na anak ng kaniyang kapangalang si Manuel Antonio "Mar" Roxas, na kabilang sa mga naghain ng certificate of candidacy (COC) noong Oktubre bilang kandidatong pangulo sa 2016 elections pero umatras na nitong Huwebes.

“Nalungkot ako nang marinig ang pinagdaraanan ng kanilang pamilya. Ama rin ako at alam kong mahirap sa magulang ang pinagdadaanang unos ng anak,” saad sa pahayag ni Roxas, standard bearer ng Liberal Party.

“Titingnan ko kung ano ang puwede kong maitulong bilang ordinaryong mamamayan, simula sa tulong medikal para makita ang kondisyon ng kanilang anak,” dagdag ng dating kalihim ng Interior and Local Government.

Matapos iurong ni Manuel Antonio ang kaniyang kandidatura nitong Huwebes, inamin niya na naghain siya ng COC para makakuha ng atensiyon para sa kaniyang 36-anyos na anak na nakakulong dahil sa kasong rape.

May sakit daw sa pag-iisip ang kaniyang anak at iginiit na inosente ang anak sa kinaharap na kaso.

Kabilang si Manuel Antonio sa 125 presidential candidates na ikinukonsidera ng Commission on Elections law department na “nuisance” o panggulo.

Una rito, naghain ng disqualification complaint sa Comelec ang kampo ni Mar Roxas laban kay Manuel Antonio dahil inilagay ng huli sa kaniyang COC ang pangalang "Mar Roxas" bilang nickname.

Sa panayam ng GMA News Online nitong Huwebes, sinabi ng asawa ni Manuel Antonio na  si Erlinda, na 20-anyos lang ang kanilang anak nang makulong ito noong taong 2000 dahil sa kasong panghahalay.

Paliwanag nila, dahil sa sakit sa pag-iisip ang kanilang anak ay pang-10-taong-gulang lamang ang pag-iisip nito kahit 36-anyos na. -- FRJ, GMA News