Binatilyo, binugbog ng ilang kabataan sa loob ng computer shop
Nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan at mukha ang isang 15-anyos na lalaki makaraang bugbugin ng mga kapwa kabataan sa loob ng isang computer shop sa Maynila nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, ipinakita ang kuha sa closed-circuit-television camera sa loob ng isang computer shop sa Sta Cruz, Maynila.
Dakong 6:00 p.m. nang dumating umano ang isang grupo ng mga kabataan at kinumpronta ang biktima na naglalaro ng computer sa loob ng shop.
Sa CCTV, makikita ang biglang pagsapak ng suspek sa biktima na sinundan pa ng pagsipa. Tumulong din sa pananakit ang may dalawa pang suspek.
Sandaling tumigil ang kaguluhan nang mamagitan ang nagbabantay sa shop. Pero hindi nagtagal, muling inatake ng mga suspek ang biktima at napagbalingan din ang lalaking umawat.
Ayon sa umawat, pinagbibintangan ng mga suspek ang biktima na kasamang nambato sa kanila, bagay na itinanggi ng binatilyo.
Nang makakuha ng pagkakataon, dinala ng mga tauhan ng shop ang biktima sa kalapit na barangay hall. Kaagad namang nagtungo ang mga tanod sa shop pero hindi na nila inabutan ang mga suspek.
Masama naman ang loob ng ina ng biktima sa sinapit ng anak, at naghihinanakit din ito dahil sa paniwala na walang tumulong sa kaniyang anak sa shop.
Inaasahan na magsasampa ng reklamo ngayong Sabado ang biktima laban sa mga suspek na hindi pa nahuhuli. -- FRJ, GMA News