ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

12,000 Basilan evacuees lumikas para makaiwas sa labanan


Iniulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) nitong Linggo na lumobo na sa 12,000 katao o 3,000 pamilya sa Basilan ang lumikas sa kanilang mga tahanan para makaiwas sa inaasahang labanan ng militar at mga rebelde. "Sa paunang ulat na tinanggap namin sa Basilan, mayron 12,000 katao o 3,000 pamilya ang lumikas sa bahay nila. Aalamin naman ang bilang na ito sa pulong namin bukas (Lunes) kasama ang Provincial Disaster Coordinating Councils ng Basilan, Sulu, at Zamboanga," pahayag ni NDCC Executive Officer Glen Rabonza. Ilang araw matapos ihayag ng pamahalaan noong Hulyo 21 ang gagawing pagtugis sa mga responsable sa pagpugot sa ulo ng 10 sundalong napatay sa Tipo-tipo, Basilan, ilang residente na sa lugar ang nagsilikas upang hindi maipit sa labanan. Bagaman wala pang abiso ang Regional Social Welfare Office at pulisya sa mga residente na umalis sa kanilang mga tahanan, maraming residente ang pinili na iwanan na lang ang kanilang lugar para sa kanilang kaligtasan. Sa ngayon, wala pang evacuation center na itinatalaga para sa mga nagsilikas na residente dahil pinili ng mga ito na makitira sa kanilang mga kamag-anak sa kalapit na barangay at bayan. "Narito kami sa Zamboanga City para alamin ang sitwasyon ng mga naiulat na evacuees mula sa Basilan at iba pang lugar. Kaya bahagi ito ng paghahanda namin sa anumang problema na posibleng mangyari kapag nagkaroon ng massive evacuation dahil sa gagawin ng gobyerno," ani Rabonza sa panayam ng radio DZBB. Sinimulan na ng pulisya sa tulong militar ang paghahain ng arrest warrant sa mga suspek na sangkot sa pagpatay sa mga sundalo noong Hulyo 10. Inako ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sila ang nakalaban ng mga sundalo pero itinanggi nila na sila ang pumugot sa ulo ng mga sundalo. Hinihinala naman ng militar na may kasamang bandidong Abu Sayyaf ang nakalaban ng mga sundalo. Idinagdag ni Rabonza na magkakaroon ng pulong sa Lunes na dadaluhan ng mga opisyal mula sa Department of Social Welfare and Development, Department of Interior and Local Government, Department of Health, at Philippine National Red Cross. "Ang layunin ng pulong ay para alamin kung gaano kami kahanda, ang mga resources na available, ang mga kailangan ihanda… lalo na ang mga relief goods na gagamitin sa evacuation centers na kung tawagin namin ay WASH o Water Sanitation Hygiene, and medicines," paliwanag niya. Tiniyak naman niya na sapat ang supplies sa provincial at regional levels para sa mga magsisilikas. Ang calamity fund sa national budget at international community ay makakatulong din umano ng malaki. - GMANews.TV