ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Pati tunay na pulis, biniktima

'Gapos gang' member na nagpapanggap daw na pulis kapag umaatake, nahuli


Apat na miyembro umano ng "Gapos gang" ang naaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Caloocan at Pasig city.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na nadakip ng mga operatiba ng PNP-CIDG  National Capital Region at Quezon City Police na sina Reynante Mirasol, dating security guard, at  Randy Lucban, isang barangay tanod.

Nito lang Martes, isang bahay sa Quezon City ang pinasok ng 'Gapos gang' na nagpanggap na pulis at kunwaring may hinahanap na drug lord.

Madaling nakapasok sa bahay ng biktima ang mga suspek dahil nakabukas ang gate nito dahil nagpapagawa ng aircon. Nasa P500,000 na halaga ng mga gamit ang natangay umano ng grupo.

Sa isinagawang operasyon ng mga pulis, nadakip din sina Teresita Batiquin at Anaclita Zubiaga, na sinasabing tagabenta ng mga kasangkapang matatangay ng grupo.

Sa naturang ulat, kinilala ni P01 Ranier John Rillo ang mga suspek na siyang nanloob sa kaniyang bahay sa San Fernando, Pampanga noong nakaraang Oktubre.

Tulad ng taktika nang pasukin ng mga suspek ang bahay sa Quezon City, sinabi ni Rillo na nagkunwaring may hinahanap na tao umano ang mga ito.

Kabilang umano sa natangay ng mga suspek sa bahay ni Rillo ang kaniyang baril.

Sa pulong balitaan sa pulisya, ipinakita ang mga gamit na nabawi sa mga suspek.
Hinikayat ng mga awtoridad ang sinumang nabiktima ng grupo na makipag-ugnayan sa kanila sa Camp Karingal sa Quezon City. -- FRJ, GMA News

Tags: gaposgang