Bintanang kusang bumubukas kapag may sunog, naimbento
Dahil sa mga namamatay sa sunog kapag nakulong sa kanilang tahanan o tanggapan, nakaimbento ang ilang mag-aaral sa Valenzuela City ng sistema para kusang bumukas ang bintana kapag nainitan ng apoy o nausukan mula sa sunog.
Ayon sa limang Grade 10 students ng Valenzuela School of Mathematics and Science, naisipan nilang gawin ang naturang bintana na may fire detector dahil na rin sa nangyaring sunog sa isang pabrika sa lungsod kung saan mahigit 70 manggagawa ang nasawi.
Ang kakulangan ng fire exit ang isa sa mga tinuturong dahilan ng pagkakakulong ng mga biktima sa naturang pabrika na dahilan ng kanilang pagkasawi.
Naniniwala ang mga mag-aaral na ang kanilang naimbento na nagsimula lang sa simpleng proyekto ay makatutulong para makapagligtas ng buhay.
Umani na ng parangal mula sa Department of Science and Technology ang imbensiyon ng mga mag-aaral at bumilib din ang Bureau of Fire Protection sa naisip ng mga bata.
Naniniwala rin ang mga estudyante na mas mapapahusay pa ng ibang tao na mas may karanasan sa kanila ang sistema na kanilang sinimulan para makasagip ng buhay. -- FRJ, GMA News