Lalaking tumalon sa ilog para makaligtas sa sunog, nalunod
Para makaligtas umano sa naglalagablab na apoy, isang lalaki sa Valenzuela city ang tumalon sa ilog mula sa nasusunog na bahay. Sa kasamaang-palad, ito naman ang naging dahilan ng kaniyang kamatayan matapos siyang malunod.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nagliwanag ang malaking bahagi ng brgy. Malanday mula Road 1 hanggang Road 3 sa Valenzuela dakong 11:00 p.m. nitong Huwebes nang sumiklab ang sunog na umabot sa "general alarm."
Dahil oras na ng pagtulog nang nangyari ang sunog, marami ang nabigla at halos walang naisalbang mga gamit.
Nahirapan din ang mga bumbero na pasukin ang lugar dahil sa masikip na kalsada. Mabilis ding kinain ng apoy ang mga bahay na gawa sa light materials.
Ilang residente na ang tumulong sa pag-apula ng apoy.
Inamin ng residenteng si Rowell Rebarter, na nagmula sa ibaba ng kanilang bahay ang sunog dahil sa ginawang siga umano ng kaniyang bayaw.
Habang nagaganap ang sunog, may isinasagawa ring rescue operation sa katabing ilog para hanapin ang mga tao na sinasabing tumalon sa tubig para makaligtas sa apoy.
Nakita sa ilog ang katawan ng residenteng si Wilbert Silahis pero hindi na nailigtas ang kaniyang buhay.
Nasa mahigit 400 residente ang lumabas na nawalan ng tahanan sa nangyaring sunog. -- FRJ, GMA News