Bubong ng NAIA Terminal-2 tinatagasan ng tubig-ulan
Habang hinihintay ng karamihan ang pagdating ng ulan, naging tampulan ng kahihiyan naman ito sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa lakas ng tulo ng tubig mula sa bubong nito ng Terminal 2. Isang bahagi ng NAIA pre-departure area para sa domestic flights sa Terminal 2 ang may tumutulong bubong, pati na sa arrival area, ayon sa ulat ng dzBB radio nitong Martes. Tinitingnan na diumano ni Tirso Serrano, assistant manager for airport development ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pinagmulan ng tulo upang makumpuni. Lumalapag ang mga international at domestic flights ng Philippine Airlines sa NAIA-2. Samantala, nagkaroon naman ng tensyon sa NAIA-2 dahil sa naiwang bag sa likod ng pre-departure area ng domestic flights nitong Martes. Humupa lamang ang tensyon matapos dumating ang mga bomb-sniffing dogs ng Aviation Security Group at nakumpirmang walang anumang banta ng pagsabog mula sa laman ng bag. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV