ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

5 Filipina nasagip sa sex trade sa Sarawak


Nailigtas ng Malaysian police ang limang Filipina,kasama ng lima pang Indonesian na ginawang sex slaves sa isang liblib na construction site sa central Sarawak. Ayon sa ulat ng pahayagang The Star ng Malaysia nitong Martes, mas maraming babae pa ang pinangangambahan nilang nasa 60,000 hektaryang Bakun hydroelectric dam site sa distrito ng Belaga. Mga gangsters ang pinaniniwalang may hawak sa mga dayuhang kababaihan sa lugar. Aabot sa 2,000 tao ang nagtatrabaho sa anim na bilyong ringgit na dam site na sinasabing kasinglaki ng Singapore. Inulat ng The Star na nakatanggap ang isa sa kanilang mga reporter, si Stephen Then, ng isang text message mula sa isa sa mga Filipina na humihingi ng saklolo. “Their fear and desperation were also expressed in text messages about a grave the women had found with a crossed-stake planted on it. The grave served as a chilling reminder that there was no way out but death for those who defied the gangsters," ayon sa ulat. Nakuha ng Filipina ang numero ng reporter mula sa isang non-government organization na naka-alam ng kanilang sitwasyon. “A woman, who has been sending the messages and making calls to The Star, claimed that the foreign women were being confined and abused for sex services," ayon sa report. Ipinadala naman ng reporter ang text messages sa mga pulis, na nagtulak sa mga ito para sagipin ang mga kinakalakal na babae. Kabilang ang nag-txt na Filipina sa sampung nasagip at kasalukuyan nang tinatanong ng mga pulis. Ayon sa pulisya ng Malaysia, isang lalaki mula sa Kuching ang sinasabing “kingpin" at kanang kamay nito ang naaresto na sa mga naunang raids at inilagay “under restricted residence" subalit tila nakabalik sa dating ginagawa. Isa ring Filipina na pinaniniwalaang “mummy" ang naaresto noong Abril at idineport pabalik sa bansa, subalit nakabalik sa Sarawak gamit ang ibang pangalan. Ayon sa ulat ng pulis doon, dinadala ang mga kababaihan para serbisyuhan ang mga trabahador sa lugar. “They bring in the women to ‘service’ workers in and around the Bakun project site," ani Sarawak Police Commissioner Datuk Talib Jamal. Ilang tao ang naglagay ng mga “makeshift entertainment centers" doon para sa mga manggagawa. Dinadala ang mga babae sakay ng isang four-wheel-drive at vans. Ginagawang aliwan din ng mga manggagawa sa oil palm plantations sa loob ng Kapit Division ang mga kababaihan. “These people are cashing in on the situation. We believe some of these women were brought into the state illegally," ayon kay Commissioner Talib. Nang tanungin kung paano naipupuslit ang mga kababaihan, nagbigay ng dalawang posibleng ruta si Talib: una, ay mula sa Bakun at ikalawa mula sa 1,000km Sarawak-Kalimantan border. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV