ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
PAMBABAE DAW KASI ANG SAMPALAN

Roxas kay Duterte:  Suntukan na lang


Sa halip na sampalan, hinamon ni dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ng suntukan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Roxas nitong Martes sa pagtitipon ng mga kongresista na ginawa sa Liberal Party headquarters sa Cubao, iginiit ni Roxas na walang mapapala ang bansa sa ginagawang pagbabanta ni Duterte na manampal.

"Lahat itong mga sinasabi mong sampalan, ganoon-ganoon—anong kinalaman niyan sa buhay ng 100 milyong Pilipino...? Sa dami ng problema na hinaharap ng ating bansa, ikaw nauuwi ka sa kung ano-anong mga kalokohan," ayon kay Roxas na kandidatong pangulo ng administrasyon sa 2016 elections.

"Gawin mo na lang kung anong gusto mong gawin. At sampalan? Bakit pa sampalan, pambabae ‘yan, suntukan na lang, 'di ba? Simpleng-simple lang ito," dagdag na hamon niya kay Duterte na pambato naman ng PDP-Laban sa panguluhang halalan.

Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang reaksiyon ni Duterte sa pahayag ni Roxas.

Sa panayam kay Roxas, nabanggit sa kaniya na pupunta umano si Duterte sa Cubao para sampalin siya.

"Talk, talk, talk. ‘Yan na lang ginagawa mo, Digong eh. Daldal nang daldal. 157 P Tuazon, Cubao, Quezon City, aantayin kita," banggit ni Roxas sa address nito sa Cubao.

Sinabi rin ng dating kalihim na galit siya sa mga umaabuso sa kapangyarihan at mga bully.

"Alam n’yo, itong tigas-tigasan, itong siga-siga, bumenta na 'yan eh. Gasgas na ‘yan. Ako, galit ako sa bully. Galit ako sa mga nagsasamantala. Galit ako sa mga naghahari-hari. Galit ako sa mga mabibigat ang kamay," patuloy ni Roxas.

Sinabi naman ni Duterte na hindi siya seryoso sa banta na sampalin si Roxas. Pero nananatili naman ang hamon niya kay Roxas na patunayan na nagtapos ito sa Wharton School Economics.

Ayon sa alkalde, dapat ipakita ni Roxas ang kaniyang toga at certificate gaya ng karaniwang ginagawa ng mga nagtatapos na nagpapakita ng mga larawan.

Pero depensa ni Roxas, "I think ang Wharton na mismo ang nagpalabas sa kanilang website ng aking degree. Hindi ko problema na si Mayor Digong ay ayaw maniwala sa mga opisyal na pahayag nitong mga paaralan na ito."

Handa naman umano si Duterte na makipagdebate tungkol sa plataporma ng kaniyang magiging gobyerno pero hindi pa raw ito ang tamang panahon dahil hindi pa nagsisimula ang opisyal na kampanya para sa mga kandidato. -- FRJ, GMA News

Tags: eleksyon2016