Duterte, hinamon din si Roxas ng barilan
Bukod sa sampalan at suntukan, nadagdagan ng barilan ang hamunan nina dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Mula sa banta ng pambato ng PDP-Laban sa panguluhang halalan na si Duterte, na sasampalin niya ang Liberal Party presidential bet na si Roxas, naghamon naman ang huli na magsuntukan na lang sila ng alkalde.
"Sampalan? Bakit sampalan, pambabae 'yan. Suntukan na lang 'di ba?," hamon ni Roxas kay Duterte sa ulat ng GMA News Saksi nitong Martes.
Uminit ang iringan nina Roxas at Duterte bunga ng patutsadahan nila tungkol sa kani-kanilang nagawa bilang mga opisyal.
Inakusahan ni Duterte na nabigo si Roxas noong nakaupo itong DILG chief sa pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng bagyong "Yolanda." Habang inakusahan naman ni Roxas na kathang-isip lang na tahimik na lungsod ang Davao.
Kasunod nito, tinawag ni Duterte na hindi totoong nagtapos si Roxas sa prestihiyosong Wharton School of Economics ng University of Pennsylvania sa Amerika.
Nakumpirma naman ng GMA News sa Wharton School na nagtapos doon si Roxas ng Bachelor of Science in Economics noong 1979.
Nakalista rin sa website ng naturang paaralan ang pangalan ni Roxas bilang alumnus.
Sakabila nito, pinaninindigan ni Duterte ang kaniyang akusasyon laban kay Roxas. Dapat daw na magpakita ng katibayan ang pambato ng administrasyon.
"Wala 'yan, ginawa lang 'yan sa Recto (Manila). Show me a diploma and the graduation ceremony nakatoga kasama ang nanay mo," anang alkalde.
Sabi naman ni Roxas, "Kung ayaw niyang maniwala eh di 'wag 'di ba? Ang Wharton mismo, nasa website nila na nagsasabi na nag-graduate ako."
Aminado si Roxas na dismayado na rin siya sa pagpatol kay Duterte pero 'di raw niya mapapalagpas ang pambu-bully nito at pagkuwestyon pa sa kanyang pagiging Wharton graduate.
"Sino ba nagmura kay Pope? Sino ba ang nagmayabang tungkol sa death squad? Sino ba ang nanghamon ng sampalan? Sino ba ang kahit na walang pruweba na kinikuwestiyon ang pag-graduate ko sa paaralan?," ayon sa dating kalihim.
Wala pang tugon si Duterte sa bagong hamon ni Roxas na suntukan pero sa isang panayam sa kaniya nitong Lunes ay naghamon ang alkalde ng barilan kaysa sampalan.
"Barilan na lang," anang alkalde. "Ang mga mayayaman takot 'yan mamatay. Ano naman ang katatakutan ko."
Pero bukod kay Roxas, nakasama na rin sa hamunan ng sampalan si House Speaker Feliciano Belmonte, campaign manager ng LP, matapos nitong hamunin si Duterte na pangalanan ang mga sinasabing kriminal na napatay ng alkalde.
"Naniniwala ako na marami siyang napatay na langgam," natatawang banggit ni Belmonte tungkol kay Duterte. "Mas siga siya kung ma-identify niya all, na evidence na talagang totoo. Pero name a few."
Tinanggap naman ni Duterte ang hamon ni Belmonte.
"Police report lahat. 'Pag naipakita ko sasali siya sa sampalan? O, ikaw Belmonte sampalin mo na si Roxas kay talo man kayo sa akin," ani Duterte. -- FRJ, GMA News