ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

CHR tutol na armasan ng itak ang MMDA traffic enforcers


Hindi papayagan ng Commission on Human Rights (CHR) na armasan ng jungle bolo o itak ang traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Sa panayam ng dzBB radio nitong Martes, sinabi ni CHR Commissioner Purificacion Quisumbing, na hindi makatwiran na pagbitbitin ng nakamamatay na patalim ang traffic enforcers sa kalye. "People are appreciative of the work of MMDA but there had been many times that we have advised them that they review their methods which are against the law and human rights," sabi ni Quisumbing. Una rito, inihayag ni MMDA chairman Bayani Fernando na higit na magiging epektibo ang traffic enforcers kung katatakutan sila ng mga drayber na lumalabag sa batas trapiko. Dagdag pa niya, ginawa na rin niya noon sa Marikina nang alkalde pa siya na armasan ng itak ang mga namamahala sa kaayusan sa mga palengke sa kanyang lugar at wala naman umanong tumutol. "Kapag ikaw ay nakakita ng itak na matulis at matalas, matatakot ka talaga. Ang pwede mo lang gawin ay manakbo o magdasal," anang opisyal ng MMDA. Ngunit hindi pa rin pabor si Quisumbing sa paliwanag ni Fernando. "Just because there were no complaints in Marikina doesn't mean it will work for the rest of Metro Manila," ani Quisumbing. Ayon sa traffic aide na si Wilfredo Martinez, maganda ang mungkahi na armasan sila ng itak para magkaroon din sila ng proteksyon laban sa mga hinuhuli nila na pumapalag. Sa isang araw, umaabot umano sa tatlo ang pagbabanta na kanyang tinatanggap. Kung minsan, may mga drayber din umano na naglalabas ng tubo at baril para itaboy sila. "Pabor kami basta may papel ang mga itak namin para kapag sinita kami may maipapakita kami," aniya. - Fidel Jimenez, GMANews.TV