Lalaking nahulog sa gusali, tumama sa transformer at bumagsak sa kalye, nabuhay
Himalang nabuhay ang isang construction worker sa Makati City matapos siyang mahulog sa pinagtatrabahuhang gusali, tumama at patiwarik na sumabit sa poste ng transformer, bago nahulog muli sa sementadong kalsada.
Sa ulat ng GMA News Balitanghali nitong Huwebes, ipinakita ang bahagi ng video na kuha ng isang residente ng barangay Bangkal habang nakabitin nang patiwarik sa poste na mayroong transformer ang biktimang Jessy Pael.
Kuwento ng isang residente, nagtatrabaho si Pael sa isang ginagawang three-storey residential building sa lugar at posibleng nadulas ito kaya nahulog habang nagtatrabaho.
Nang mahulog, sumampay ang katawan ng biktima sa transformer na ilang beses umanong pumutok, bago muli itong nahulog at tumama sa kawad ng kuryente, at saka bumagsak sa sementadong kalye.
Sakabila ng mga nangyari, laking gulat ng mga tao nang makita nilang buhay si Pael at nagawa pang maikilos ang katawan bagaman nagtamo ng mga sunog sa katawan.
Mabilis namang nakaresponde ang rescuer unit at isinugod ang biktima sa ospital.
Puna ng mga tauhan ng Meralco, masyado umanong malapit ang ginagawang gusali sa kanilang transformer at kawad ng kuryente na sadyang delikado sa mga gumagawa.
Aalamin naman ng pamunuan ng barangay kung may paglabag sa ginagawang gusali kung saan nagtatrabaho ang biktima. -- FRJ, GMA News