Resulta ng imbestigasyon sa umano'y 'SUA' ng Montero Sport, inilabas na
Inilabas na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang resulta ng isinagawa nilang imbestigasyon sa automatic transmission vehicles ng Montero Sport dahil sa mga alegasyon na bigla itong humaharurot o ang sudden and unintended acceleration (SUA).
Sa ulat ni Kara David sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng DTI na walang sapat na ebidensya sa ngayon para masabing depektibo ang naturang brand ng sasakyan ng kumpanyang Mitsubishi.
Dahil dito, hindi ipag-uutos ng DTI ang recall sa mga naibentang unit at maaari pa ring magbenta ng mga Montero Sport.
Gayunman, inirekomenda naman ng DTI na magkaroon ng third party evaluation sa naturang mga sasakyan.
Una rito, nagkaroon ng mga reklamo laban sa Mitsubishi dahil sa mga insidenteng kinasangkutan ng mga Montero Sport automatic units na biglaan na lang daw humaharurot kahit hindi inaapakan ang gas pedal, at kahit pumupreno na.
Apat na Montero Sport automatic units na pag-aari ng mga nagreklamo ang isinailalim ng DTI sa testing sa planta ng Mitsubishi sa Sta. Rosa, Laguna at sa DCT Holdings and Motor Services sa Balintawak.
Kumonsulta rin daw ang DTI sa tatlong independent mechanical engineers. Pero matapos ng serye ng mga pagsusuri, lumabas na negatibo sa depekto ang Montero Sport.
Hindi ikinatuwa ng isa sa mga nagreklamo ang resulta ng imbestigasyon dahil ginawa ang testing sa planta ng Mitsubishi at natural daw pagtakpan ng kumpanya ang kanilang pagkakamali.
Aminado naman ang DTI na kulang ang kakayahan ng Pilipinas para magsagawa ng full automotive testing sa computer box ng SUV. Kaya naman nais nilang magkaroon ng third party expert mula sa ibang bansa.
Posible raw itong gawin sa Germany o Singapore upang masuri ang electromagnetic compatibility ng computer box ng Montero Sport.
Sakabila ng resulta ng DTI, itutuloy pa rin daw ang pagsasampa ng kaso ng laban sa Mitsubishi dahil sa mga inihaing reklamo ng ilang naaksidente.
Ang iba pang nagrereklamo, plano ring magsampa ng class suit laban sa Mitsubishi.
Kaugnay nito, inayunan naman ng Mitsubihi ang rekomendasyon ng DTI na magsagawa ng mandatory preventive maintenance sa mga inirereklamong Montero Sport, at magbigay ng quality reassurance certificate.
Magsasagawa rin sila ng nationwide free check-up sa lahat ng may-ari ng Montero Sport automatic units at magbibigay din ng quality reassurance certificate sa mga ito.
Sang-ayon din ang Mitsubishi sa hakbang na kumuha ng independent third party expert mula sa ibang bansa. At nangako sila sa mga may-ari ng Montero Sport ng patas na imbestigasyon tungkol sa nasabing usapin. -- FRJ, GMA News