ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Internship bill, isusulong sa kongreso ng Japan sa 2016


Sa 2016 isusulong ng ilang negosyanteng Hapon ang isang panukalang batas sa lehislatura ng Japan na naglalayong buksan ang kanilang bansa para sa mga caregivers at nursing care workers mula sa Pilipinas at iba pang bayan.

Ang ika-190 na ordinary session ng Diet, ang kongreso ng Japan, ay nakatakdang magsimula sa Enero 4, 2016.

Sa isang panayam sa GMA News Online, inilahad ng mga kinatawan ng Japan Human Resources Institute na ang pagsulong ng internship or work training bill para sa caregivers ay mahalaga para sa kanila dahil kailangan ng mga Hapon ang mga caregivers at nursing care workers para sa kanilang tumatandang populasyon.

Kamakailan ay inihayag ng isang opisyal ng pamahalaan ng Japan na importanteng matugunan ng kanilang bansa ang mga mga isyung dulot ng kanilang tumatandang populasyon upang hindi bumaba ang  “competitiveness” ng kanilang ekonomiya.

Tinataya naman ng JHRI na kailangan ng Japan na 12 million foreign workers o katumbas ng 10 percent ng kanilang populasyon.

“Mas kailangan ng Japan ang caregivers sa mga kanayunan,” ayon kay Ginoong Katsuyuki Machida, researcher ng JHRI sa pamamagitan ng isang interpreter o translator.

Dagdag pa ni Mr. Machida na “mas tumaas pa ang interes ng mga kasama nilang mga kinatawan ng employers matapos makita ang mataas na level ng kakayahan ng caregivers na Pilipino.”

Ang nakikita ng JHRI na solusyon sa kanilang suliranin ay ang pagdagdag ng kategorya para caregivers sa technical internship training program (TITP) ng Japan sa pamamagitan nga ng bill na ihahain sa Japanese Diet sa parating na taon.

Kasama sa panukala, ayon sa JHRI, ang pagpapalawig ng programa para maging limang taon ang itatagal ng internship sa halip na tatlong taon lamang.

Bilang paghahanda sa pagsasabatas ng panukalang iyan, ang JHRI at ilang Japanese employers ay bumisita sa Metro Manila at ilang karatig na lugar upang mapag-aralan ang labor situation sa Pilipinas.

Ilan sa kanila ay binista ang ilang caregiving facilities at training center upang makita ang aktwal na antas at kalidad ng nursing care sa Pilipinas.

 


“Sa kasalukuyan, ang caregiver o nursing care category ay nasa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement o JPEPA program kung saan tanging ang POEA ang sending organization or deploying entity sa Pilipinas, at ang JICWELS (Japan International Corporation of Welfare Services) naman sa Japan ang accepting organization o employer,” aniya ng Japan Employment Providers of the Philippines & Constultants' Association o JEPPCA, ang organisasyon na ka-tandem ng JHRI dito sa Pilipinas.

Ayon sa JEPPCA, kanilang pinaalala sa mga bumisitang Hapon ang mga patakaran ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA).

Nanawagan rin ang JEPPCA sa mga interesadong magtrabaho sa Japan na “mag-apply lamang sa mga licensed recruitment agencies o sa POEA.”

“Huwag magpadala, magpatukso o mag-apply sa training centers, travel agents, visa consultants o local agents na nangangako ng trabaho sa Japan!” dagdag nila.

Ayon sa Daiwa Institute of Research, ang pagtanggap ng Japan ng foreign workers sa pamamagitan ng TITP o internship ay ayon sa Japan Revitalization Strategy ng administrasyon ni Prime Minister Shinzo Abe.

Nakapaloob rin sa strategy na ito ang “enlargement of the quota for accepting foreign workers.”

Ayon din sa DIR, ang kasalukuyang ratio ng foreign residents sa total population ng Japan ay nasa 1.9 percent lamang. Malayo ito sa 10 percent na naturan ng JHRI na kailang ng Japan.

Mababa man ang ratio, tumaas na ito mula sa 0.9 percent noon 1990, napagalaman rin ng Daiwa Institute of Research.

Nakita rin ng DIR na kailangan ng foreign workers policy ng Japan ang higit pa sa upgrading at expansion upang ang internship ay hindi maging paraan lamang ng ilang employer na makakuha ng cheap labor at para mapahusay ang implementasyon nito.

Ayon sa mga batas at patakaran, dapat sinusunod ang minimum wage law ng Japan sa pagpapatupad ng internship, ngunit napagalaman ng DIR na mataas ang dami ng violations sa mga nagdaang taon.

Isang suhestiyon ng DIR ay na ang mga interns sa TITP ay bigyan ng residence status na katulad ng status ng mga workers sa “highly skilled and technical fields.”  — GMA News